HAWAK ng Palayan City ang lahat ng aspeto – momentum at home court -- para tuluyang maalisan ng korona angdefending champion San Juan sa kanilang pagtutuos sa Game 2 ng Community Basketball Association (CBA) Pilipinas Cup best-of-three title showdown bukas sa Gapan, Nueva Ecija.
Kumpiyansa si Palayan City team manager Ryan Ripalda na mas determinado at kombinsido ang diskarte ng Capitals upang tuldukan ang serye laban sa Knights at makamit ang National Championship sa harap ng mga kababayan sa Gapan City gymnasium.
“We’ll do our best to win again (in Game 2 on Sunday) and capture the championship infront of our home fans,” pahayag ni Ripalda sa kanyang pagdalo sa 58th “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
“Abot-kamay na namin ito, kaya gagawin na namin ang lahat na aming makakaya para manalo,” ayon kay Ripalda sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, CBA at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
Nasopresa ng Palayan City, suportado ni Palayan City Mayor Adrienne Mae Cuevas at team owner Bong Cuevas, ang San Juan, 79-74, sa Game One nitong weekend sa San Juan gym.
Sa gabay ni coach Alvin Grey, nakontrol ng Capitals ang tempo ng laro at nagawang makausad sa 14 puntos na bentahe tungo sa panalo.
“We do not want to take them (Knights) lightly dahil magagaling din sila, pero iba yung nasa homecourt ka. Parang sixth man yun,” sambit ni Ripalda sa programa na naipalabas ng live sa Facebook via Glitter Livestream.
Muli, umaasa si Ripalda sa katatagan nina Renz Alcoriza, Levi Dela Cruz, Gab Reyes, Marvin Maroga at Aguirre upang mailuklok ang Palayan City sa pedestal nang natatanging community-based basketball league bansa.
Bukod kay Ripalda, naging panauhin din ng TOPS sina International Federation of Bodybuilding and Fitness Philippines president Rowena Walters, gayundin angmga opisyal ng Philippine Karatedo League (PKL) na kinabibilangan nina Sensei Allan Gonzales (President), Engr. Ecel Bono-Aquino (VP for Administration) at Sensei Resty Fillarca Jr. (VP for Technical Affairs)
-Annie Abad