Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
9:00 n.u. -- UP vs UE (m)
11:00 n.u. -- UP vs UE (w)
2:00 n.h. -- La Salle vs Ateneo (m)
4:00 n.h. -- La Salle vs Ateneo (w)
MATAPOS ang straight sets na tagumpay kontra sa kapitbahay nila sa Katipunan na University of the Philippines, sasagupain naman ng defending women champions Ateneo de Manila ang perennial archrival De La Salle University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Volleyball Tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Ang Lady Spikers na nabigong sumalta ng finals sa unang pagkakataon noong nakaraang season sa loob ng 10 taon ay nakatakdang sumabak bilang isang bagong koponan ngayon.
Mahigit sa kalahati ng komposisyon ng Lady Spikers squad at mangilan-ngilan lamang sa kanila ang beterano gaya nina Michelle Cobb, Aduke Ogunsanya at Tin Tiamzon.
Gayunman, naniniwala si Ateneo coach Oliver Almadro na hindi dahilan ito upang hindi nila paghandaan ng husto ang DLSU.
“Alam ninyo, I don’t know why people are saying na maraming bago sa La Salle,” ani Almadro.
“Maraming bago but they’re blue chip recruits eh. Ibig sabihin, kahit mga bago, if they are expected to deliver, expected yun,” aniya.
Kaya naman para kay Almadro, hindi dahilan ang malaking pagbabago sa roster ng Lady Spikers upang i-underestimate ang koponan.
“You will not count them out. They’re recruits. They (La Salle) will not recruit them kung di sila magaling. So you have to prepare and expect that those players will really deliver,” aniya.
Magtutuos ang dalawang koponan sa tampok na laro ganap na 4:00 ng hapon kung saan pupuntiryahin ng Lady Eagles ang ikalawang dikit nilang tagumpay pagkatapos ng salpukan ng kani-kanilang men’s squads ganap na 2:00 ng hapon kasunod ng unang tapatan sa pagitan ng men’s at women’s team ng University of the Philippines at University of the East na magsisimula ng 9:00 at 11:00 ng umaga ayon sa pagkakasunod.
Tatangkain ng Blue Eagles na makabawi sa straight sets na kabiguan sa kamay ng UP Fighting Maroons sa pagsalang nila kontra sa ngayon pa lamang sasalang na Green Spikers.
Mauuna rito, ikalawang sunod namang panalo ang target ng Fighting Maroons sa pagharap nila sa Red Warriors na sisikapin namang bumawi sa kabiguang natamo sa kamay ng Far Eastern University Tamaraws noong opening day.
Samantala, mag-uunahan namang magposte ng unang panalo ang Lady Red Warriors at ang Lady Fighting Maroons na kapwa naman bigo sa una nilang laro.
-Marivic Awitan