HINDI pa itinuturing na pandemic ang coronavirus na lumaganap na sa higit 60 bansa, dahil nanatiling walang kaso ang karamihan sa 195 na bansa sa mundo, pahayag ng World Health Organization ngayong linggo. Ngunit may isang ‘worldwide killer’ na maaari maituring na “pandemic,” ayon sa pag-aaral na inilimbag ng International Cardiovascular Research. Ito ang polusyon sa hangin (air pollution), ang hangin na nilalanghap ng mga tao, na responsable sa tinatayang 8.8 milyong pagkamatay bawat taon.
Kalimitang nagmumula ang polusyon sa hangin sa pagsusunog ng mga panggatong (fossil fuel) tulad ng gasolina sa mga makina ng sasakyan at uling(coal) sa mga power plant. Ayon sa pag-aaral ng Max Planck Institute sa Mainz, Germany, higit na malaking pangamba sa kalusugan ng publiko ang inilalagay ng polusyon sa hangin kumpara sa paninigarilyo. Ayon sa mga siyentistang nagsagawa ng pag-aaral, ito ang dahilan ng 8.8 milyong premature death bawat taon.
Nasa 19 na beses itong mas malala kumpara sa pagkamatay dulot ng
malaria, siyam na beses na mas lala kumpara sa HIV-AIDS, at tatlong beses na mas malala kumpara sa alak. Pinaka apektadong rehiyon sa mundo ang Asya, kung saan nabawasan ang average life span ng 4.1 taon sa China, 3.9 taon sa India, at 3.8 taon sa Pakistan. Sa Uttar Pradesh, India, na may populasyon na 200 million, tinapyasan ng air pollution ang life span ng mga tao sa 8.5 taon, ayon sa pag-aaral, kung saan nabanggit ang Air Quality Life Index na binuo ng mga mananaliksik ng Energy Policy Institute of Chicago.
May isa pang ulat mula sa mga mananaliksik ngayong linggo na nagbibigay ng panibagong banta sa sangkatauhan—ang pagsusunog ng fossil fuel ay nagdudulot ng pagtaas ng temperatura sa mundo, na tumutunaw sa mga glacier, na nagpapataas naman sa lebel ng tubig sa karagatan. Sa pag-aaral na inilimbag sa Nature Climate Change, sinasabing maaari itong magresulta sa pagkawala ng kalahati ng mga dalampasigan sa mundo pagsapit ng taong 2100, na hindi lamang makaaapekto sa turismo ngunit nagbibigay banta rin sa mga imprastraktura laban sa daluyong (storm surge) tuwing may bagyo.
Ang mga mabuhanging dalampasigan ay kalimitang nagsisilbing unang pandepensa laban sa mga coastal storm at mga pagbaha, ayon sa European Commission’s Joint Research Center. Base sa pag-aaral, pinaka maaapektuhan nito ang Australia, na sinusundan ng Canada, Chile, at United States. Ang Pilipinas, na ang coastline ay higit na mas mahaba kumpara sa US, ay tiyak na magdurusa, sakaling burahin ng climate change ang marami sa mga baybayin ng mundo.
Laman ngayon ng mga balita ang epidemya ng coronavirus sa patuloy nitong pagkalat sa mundo. Ngunit ang dalawang ulat hinggil sa resulta ng pag-aaral sa air pollution at climate change ay nagpapaalala sa atin na marami tayong iba pang problema na mas malala kumpara sa COVID-19, na nananawagan para sa higit na tugon at koordinasyong hakbang mula sa mga bansa sa mundo.