NASUBAYBAYAN ko ang panayam kay dating Chief Justice Artemio Panganiban sa ANC. Ayon sa kanya, ang desisyon sa kasong Associated Communications & Wireless Services United Broadcasting Networks vs. National Telecommunication Commission (NTC) ay hindi pwedeng magamit laban sa nais mangyari ng Kongreso na magpatuloy ang ABS-CBN sa kanyang operasyon base sa permisong ibibigay ng NTC habang pinag-uusapan nito ang pagpapanibago ng prangkisa nito. Lumiham na si Chairman Alvarez ng House Committee on legislative franchise sa NTC na nagpapahintulot dito na mag-isyu ng pansamantalang lisensya sa ABS-CBN. Aprobado ni Speaker Cayetano ang liham. Samantala, gumawa na ng concurrent resolution ang Senado na kasama ang Kamara na ang layunin ay tulad ng liham ni Alvarez sa NTC. Nauna nang sinabi ni dating Chief Justice Puno na kapag walang prangkisa ang television station, kailangan tumigil ito ng operasyon kahit may lisensiya itong nakuha sa NTC. Iba ang Associated Communication, ayon kay Panganiban, sa ABS-CBN. Ang Associated Communication, aniya, ay nag-operate nang walang prangkisa kundi permiso lamang sa NTC, samantalang ang ABS-CBN ay mayroon na. Kaya, pwede iyong nakagawian na ng Kongreso na bigyan ng otoridad ang NTC para mag-isyu ng pansamantalang permiso sa media network habang nakabimbin ang prangkisa nito.
Ayon din kay dating CJ Panganiban, dapat idismis ng Korte Suprema ang quo warranto na isinampa ni Solgen Jose Calida na nagpapawalang-saysay sa prangkisa ng ABS-CBN. Sa kaso ni dating Chief Justice Sereno, aniya, kaya naging epektibo ang quo warranto, ayon din mismo sa Korte, ay hindi kwalipikado maging mahistrado si Sereno sanhi ng hindi niya naisumite nang kompleto ang kanyang SALN. Pero, kung naging kwalipikado na siya at ang hindi niya pagsusumite ng SANL ay nang nakaupo na siya, impeachment ang proseso. Eh ang ABS-CBN ay may prangkisa na at ang pagpapanibago lamang nito ang nakabimbim sa Kongreso. Kaya, kung magiging tapat ang Korte Suprema sa ginawa nito kay Sereno, dapat ibasura na ang quo warranto laban sa ABS-CBN.
Ang problema, hindi lang isyung legal ang kaso ng ABS-CBN. Ang isyu ay nakakawing o nababalutan ng personal na galit at interes ng mga pinagtangan ng mamamayan ng kanilang kapangyarihan. At ang panahon nina dating CJ Puno at Panganiban ay iba sa panahon ngayon ng Korte Suprema. Sa kasalukuyang rehimen, ginagamit na ang batas bilang armas para bweltahan ang kanyang mga kalaban. Lumipas na ang panahon nina Puno at Panganiban na nasa ibabaw sila ng kaguluhan at ginagamit nila ang talim ng kanilang pagiisip para mapanatili ang kapayapaan sa ilalim ng rule of law.
-Ric Valmonte