MULING nakilala ang isla ng Boracay, matapos mapasama ang isa sa mga stakeholders nito bilang top recipients ng Rotary Club of Manila’s prestigious Tourism Awards ngayong taon.
Kinikilala ng Rotary Tourism Awards ang mga indibiduwal, grupo, at kumpanya na nagbabahagi ng malaki para sa pagsusulong ng industriya ng turismo sa bansa, at tumutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Nanguna sa listahan ng mga kinilala ngayon taon si Boracay businessman Ariel Abriam, isang retired US Naval Academy graduate, nature lover na siyang nasa likod ng sikat na famous diving spot na mas kilala bilang Ariel’s Point sa Buruanga, Aklan.
Isang tourism business enterprise, matatagpuan ang Ariel’s Point sa taas ng isang limestone cliff. May 30 minutong biyahe sa bangka mula sa putting baybayin ng Boracay. Kinilala rin ang lugar ng mga turista at mahilig sa diving bilang Asia’s best diving spot kung saan maaaring maranasan ang makapigil hiningang pagtalon mula sa limang magkakaibang platforms, mula sa pinakamababa na tatlong metro hanggang sa 15 metrong taas. Kapwa enjoy ang mga baguhan at sanay na diver sa alok nitong diving, magandang tanawin, kayaking at snorkeling.
Bukod naman sa eco-adventure offering nito, rekomendado ang Ariel’s Point ng RMC para sa Filipino-type hospitality at masasarap nitong alok na putahe, kabilang ang BBQ buffet lunch, unlimited drinks, easy-to-plan picnic excursions na may kakaibang boat transfer services pa.
Tinanggap ni Abriam ang tourism award sa seremonya na idinaos nitong Peb. 27 sa New World Hotel Makati kasama ng 15 iba pa, kabilang sina, Bernd Schneider (Fairmont Makati), Hanky Lee III (Henry Hotel), Salah Al Balushi (Oman Aviation), Radjie Caram Jr (Island Living), Krizette Chu (Manila Bulletin), Felipe Gozon (GMA Network), Lala Ventura-Lazaro (Metro Channel), Edgar Saavedra (Megawide Construction), Laguna Rep. Sol Aragones- Sampelo, Francisco Mauricio (Avis Rent-A-Car International-Guevent Transport holdings), Justice Manuel Lazaro (Tiger Resort Leisure Entertainment) Interior Secretary Eduardo Ano, Environment Secretary Roy Cimatu, Leo Ray Yanson (Ceres Liner), Ramon Ang (San Miguel Corp.), at former dating Tourism Promotions Board COO Venus Tan.
Pinamumunuan ni RCM president Bobby Joseph ang Tourism Awards Committee kasama ang dating pangulo na si Francis Juico.Kabilang naman sa kanilang miyembro sina dating district governor Vince Carlos, dating vice president Chito Zaldarriaga, dating presidents Frank Evaristo at Jackie Rodriguez, at director Amading Valdez.
Sa prestihiyosong parangal, walang duda na nakadagdag ng panibagong karangalan ang Isla ng Boracay sa pamamagitan ng Ariel’s Point .
-Johnny Dayang