NANINIWALA ang aktres na Kim Chiu na maaaring biktima siya ng mistaken identity matapos paulanan ng bala ng riding-in-tandem ang sinasakyan niyang van sa Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.
“I don’t have an idea what really happened, mistaken identity? I guess? Napag-tripan? This is a bad joke,” pahayag ni Kim sa kanyang social media post matapos ang insidente
Himalang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan si Kimberly “Kim” Chui y Yap, 29, aktres ng ABS–CBN; Myrene Nasara, 19, persona assistant ng aktres at Wilfredo Taperla, family driver, matapos pagbabarilin ng makailang ulit ng dalawang salarin na naka-jacket at helmet ang kanilang sinasakyang Hyundai GAF – 6474 habang patungo sa taping sa Victoria Sport Center sa bahagi ng northbound lane ng Katipunan Ave. sa Barangay U.P. dakong 6:15 ng umaga, ayon sa pulisya.
Ayon kay Taperla, driver ng aktres, tumigil umano ang kanilang sasakyan sa intersection ng C.P. Garcia nang mag-red ang traffic light bago ang insidente.
“Palabas kami ng subdivision dito lang din sa Katipunan Ave. Habang nakastop kami... ‘yun na di namin akalain na may putukan,” pahayag nito sa DZMM interview.
Hindi umano alam ni Taperla na sila na ang tinatarget ng putukan hanggang sa isa sa mga bala ang tumagos sa kanang bahagi ng kanilang sasakyan.
“Ngayon yung nagputukan, yung assistant [na] katabi ko, dumapa sya. Ako naman medyo sumandal sa upuan,”salaysay pa ni Taperla.
Matapos ang pamamaril, mabilis umanong tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Old Balara. Agad namang lumabas si Taperla at nakumpirma na para sa kanila ang mga putok nang makita ang mga bala na sa kanila ang tama.
“Inikutan ko [yung sasakyan], lahat ng tama samin,” pahayag pa ni Taperla.
Sa pagbabahagi ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit chief Maj. Elmer Monsalve, nakarekober ang grupo ng nasa walong basyo ng bala na hindi batid na an kalibre, sa lugar.
Humingi naman si Kim ng tulong sa kanyang mga kamag-anak at sa Quezon City police, na nag-escort sa kanya patungo sa taping.
“Kung sino man ang gumawa nito, Diyos na ang bahala sa inyo dalawa. Sana tiningnan nyo muna ang plate number bago nyo paulanan ng bala yung kotse ko,” ayon pa sa aktres.
Ayon kay Monsalve, hindi nila isinasantabi ang posibilidad ng biktima ang aktres ng mistaken identity, bagamat tuloy ang imbestigasyon para sa iba pang posibleng motibo ng pamamaril.
“Nagtatag na ng Special Investigation Task Group ang QCPD [para imbestigahan ang kaso],” dagdag pa ni Monsalve. “Masasabi lang natin ‘yan pag natapos na ang investigation ng QCPD.”
-JOSEPH ALMER PEDRAJAS at JUN FABON