ANG utang pala ngayon ng Pilipinas ay umabot na sa P7.76 trilyon. Sa report ng Bureau of Treasury (BTr), ang kabuuang utang ng pambansang gobyerno sa pagtatapos ng Enero ay tumaas ng 0.4 porsiyento para maging P7.76 trilyon mula sa P7.73 trilyon noong Disyembre 2019.
Ang pagsikad o pagtaas ng utang ng PH, ayon sa BTr, ay bunsod ng pag-iisyu ng pamahalaan ng tinatawag na euro-dominated offshore bonds sa international debt market nitong Enero 2020.
Ang gobyerno ay umutang mula sa domestic at external lenders upang pagtakpan ang inaasahang deficit sa budget na 3.2 porsiyento ng 2020 gross domestic product (GDP). Batay sa treasury data, ang bulto o 66 porsiyento ng kabuuang utang ay mula sa domestic lenders samantalang ang nalalabing 34 porsiyento ay mula sa foreign loan.
Ang utang sa lokal o domestic borrowings ay nagkakahalaga ng P5.12 trilyon hanggang nitong Enero, 0.1 porsiyentong mababa kumpara sa P5.13 trilyon na nairekord nitong Disyembre 2019. Kaylaki na pala ng utang ng Pilipinas. May nagtatanong: Magkano kaya ang utang ko at ng aking mga anak?
oOo
Patuloy ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) para sa pagdidiyeta ng mga tauhan nito upang maging malusog at “makahabol sa mga kriminal” sa pagtakbo habang tumatakas. Marami ring matataba o obese na opisyal at tauhan ng PNP, kabilang si Major Gen. Debol Sinas, hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Ang kabutihan kay Gen. Sinas, aminadong mabigat siya kaya minsan ay sinabing handa siyang bumaba sa puwesto kung ito ang magiging pasiya ng liderato ng PNP. Plano ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) na ma-sanction ang “overweight policemen for less grave neglect of duty.”
Sinabi ng Malacañang na hindi naman pipigilan ang PH Ambassador sa US na makipag-usap sa mga opisyal ng Amerika tungkol sa kasunduang-militar kahit determinado si Pres. Rodrigo Roa Duterte na pawalang-bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa mga report kamakailan, sinasabing si Ambassador Jose Manuel Romualdez ay nakipag-usap sa American officials hinggil sa pag-aaral at paggawa ng bagong kasunduan na kahawig ng VFA. Ipinasiya ni PRRD na lagutin na ang VFA dahil sa pakikialam ng US sa mga gawain at aksiyon ng gobyerno ng Pilipinas. Pabor lang umano ang VFA sa bansa ni Uncle Sam.
Samantala, nag-adopt ang Senado ng isang resolusyon na humihiling sa Supreme Court na magpasiya kung kailangan ang concurrence o pagsang-ayon ng Kapulungan bago pawalang-bisa ang isang treaty o tratado tulad ng VFA. Hintayin natin ang desisyon ng SC.
-Bert de Guzman