NAKAPAGTALA ang sektor ng agrikultura ng Pilipinas ng 0.7 porsiyentong pag-angat noong 2019. Ito ang taon kung saan ipinatupad ang malawakang importasyon ng bigas mula Vietnam at Thailand upang mapunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan at mapahupa ang national inflation ng bansa. Nakamit ito sa pamamagitan ng pagtanggal sa maraming restriksyon sa pag-aangkat ng bigas sa pagwawakas ng 2018.
Napababa ng hakbang na ito ang presyo ng bigas, at dahil bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino at ang presyo nito ay nakaaapekto sa iba pang produkto sa merkado, ang inflation rate na sumirit sa 6.7 porsiyento noong Setyembre 2018, ay napababa noong 2019. Pagsapit naman ng Agosto 2019, pinangalanan ni Pangulong Duterte si William Dar, bilang bagong secretary of agriculture.
Matagal nang sangkot si Secretary Dar sa agrikultura ng Pilipinas dahil nagsilbi rin siyang kalihim ng ahensiya sa maikling administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada. Kamakailan, muling inihayag ng Kalihim ang kanyang hangarin para sa isang malaking pag-angat ng agrikultura ng Pilipinas sa 2 porsiyento ngayong taon, 3 porsiyento sa susunod na taon ng 2021, at 4 porsiyento pagsapit ng 2022.
Isa itong mababang hangarin, kung ikukumpara sa kontribusyon ng ibang sektor ng ekonomiya. Serbisyo ang pinakamalaking tagapag-ambag sa ekonomiya ng Pilipinas, sa kasalukuyan, kabilang ang turismo at ang trabaho ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs); nakapag-ambag ito ng 59.8 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP). Nasa 30.6 porsiyento naman ang ambag ng Industriya habang ang Agrikultura ay nasa 9.6 porsiyento.
Patuloy tayong sasandal nang malaki sa serbisyo sa mga susunod na taon, bilang pangunahing haligi ng ating pambansang ekonomiya. Umaasa rin tayo sa Industriya, ngunit pinakamalaking pag-asa ng pagbabago ang nasa agrikultura, lalo na kung ikokonsidera ang ating mga lupain at tubig. Kailangan lamang nito ang sistematikong pagpapaunlad.
Binigyang-diin ni Secretary Dar ang sistematikong lapit, na nakaangkla sa agham at pananaliksik upang makabuo ng pinakamagagandang uri ng bigas at iba pang pananim na angkop sa ating lupain, sa produksiyon at pagluluwas ng mga kalakal kung saan tayo nakalalamang, sa sistematikong pagsusulong ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas sa buong mundo, sa mas maayos na koordinasyon sa probinsiyal at iba pang lokal na pamahalaan, at sa mas malaking pag-unawa sa panahon (weather) upang mabawasan ang pagkalugi mula sa pananalasa ng bagyo, ulan at iba pang kalamidad.
Sa panahong ito na tila nahaharap ang mundo sa mabagal na pag-usad ng ekonomiya dahil sa pangamba ng coronavirus, ang sektor ng serbisyo ng Pilipinas—partikular sa turismo at sa mga OFW—ay wala ngayong katatagan. Nahaharap din sa pagsubok ang sektor ng pagmamanupaktura, na malaking bahagi ay para sa pagluluwas.
Malamang na magdusa rin ang agricultural export ng Pilipinas, ngunit dapat tayong magpatuloy sa pagpapaunlad ng ating mga pangunahing pangangailangan, partikular sa bigas, upang hindi na natin kailanganing umangkat ng malaki taun-taon sa Vietnam at Thailand. Kapag sa proseso ay makamit din natin ang hangarin ni Secretary Dar, na makapag-ambag ang agrikultura ng 2 porsiyento sa GDP ngayong taon, tiyak na dobleng kasiyahan ito.