WIKA ni Archbishop Jose Palma, dapat noon pa ay nagkaroon na ng ganito. Tinutukoy niya ang kauna-unahang “Ist Lay Collaborators Diocesan Conference on Deliverance & Exorcism” nitong nagdaang Pebrero 24-28 na ginanap sa “Queen City of the South,” ang Cebu City. Tema ng nasabing pagtitipon ang nasusulat sa Bibliya, na Lukas 9:1 “Tinipon niya ang labing-dalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonyo at upang magpagaling ng mga may sakit”.
Layunin ng komperensya ang “Makabuo ng Pamparokyang Koponan ng mga Layko para sa Ministeryo ng Pagkapagligtas at Eksorsismo.” Hindi lingid sa kaalaman ng simbahan, pati na rin sa karaniwang tao, ang paglaganap ng kasamaan sa mundo. Dulot ito ng pang-kaluluwang tagisan ng langit at ng mga kampon ni Satanas. Kapansin-pansin din ang pagkalat ng kababalaghan, batay sa kuwento, aklat, ang iba, mga makatotohanang karanasan, dahil realidad nga ang eksistensya ng masasamang espiritu na nagsasabog ng balakyotan sa daig-dig.
Andyan din ang kakapusan ng moralidad sa lipunan at pamahalaan. Halimbawa ang pagtindi ng kriminalidad, korapsyon, droga, sex, at iba pa. Sa mundo ng espiritu, ang kapre, dwende, pulang mata sa dilim, hindi maipaliwanag tulad ng pagbukas ng ilaw, tubig, mga boses, masangsang na amoy, higaang niyayanig, mga taong basta na lang nagkakasakit kahit malusog, higit, nasasaniban ng demonyo. Sa kakapusan ng mga layko o paring nabiyayaan ng unawa at kapangyarihan sa “deliverance at exorcism” sa kanayunan, kadalasan sumasangguni ang ating mga kababayan sa arbularyo, mananambal (Bisaya), pati na sa mga mangkukulam, upang humingi ng tulong, kagalingan, anting-anting, habak (Bisaya), padugo ng tahanan at iba pa. Isa itong bagay na ipinagbabawal sa trono ng Panginoong Diyos, dahil siya ang may likha ng buong sansinukuban, ating mundo, at ng tao. Kalapastanganan ito sa kabanalan at pag-ibig ng Poong Maykapal para sa mga anak ni Adan at Eba. Imbes ang makapangyarihang Ama/Diyos ang lapitan at hingan ng saklolo, aba’y mga “patakbuhin” at kalaban pa, ang nabibiyayaan ng paniwala at handog. Magising na ang iba nating kababayan.
-Erik Espina