ANG galing ng Viva Films dahil sila lang ang namumukod tanging may dalawang pelikulang nakapasok sa 2020 Metro Manila Summer Film Festival, ang A Hard Day nina Dingdong Dantes at John Arcilla directed by Law Fajardo at ang Love the Way You Lie co-prod ng TinCan at Ten17Productions sa pangunguna nina Xian Lim at Alex Gonzaga mula sa direksyon ni RC de los Reyes.
Ang pelikula A Hard Day ay Korean film (2014) na pinagbidahan nina Lee Sun-kyun at Cho Jin-woong.
Unang napanood ang trailer ng A Hard Day sa 2020 Vision ng Viva at gandang-ganda ang lahat sa napakagandang pagkaka-direk ni Law Fajardo at ang husay nina Dingdong at John at siguradong makakakuha sila ng acting award.
Pero ang tanong ng lahat since Korean adaptation ulit ang A Hard Day, baka hindi na naman masama sina Dingdong at John sa Best actor category tulad ng nangyari kay Aga Muhlach na naitsupuwera sa nakaraang 2019 Metro Manila Film Festival sa pelikulang Miracle in Cel No 7?
Napangiti nga ang Viva executive nu’ng ito ang sinabi namin sa kanya sa nakaraang announcement na ginanap sa Novotel, Araneta City nitong Lunes nab aka mala-Aga na naman sina Dingdong at John.
Maliban na lang kung iba ang patakaran ng Summer Film Festival dahil ang line-up nola ay dalawa ang Romantic Comedy, Romance at Family Drama kumpara sa Metro Manila Film Festival na laging tig-isa lang.
Gandang-ganda rin ang lahat sa entry ng Regal Entertainment na The Missing nina Joseph Marco, Ritz Azul at Miles Ocampo dahil foreign film ang pagkakagawa lalo’t sa Japan pa kinunan. Tiyak na nasa top 3 ang pelikulang ito nina Mother Lily at Roselle Monteverde lalo’t nag-iisang horror na nakapasok.
Promising ang Tagpuan nina Congressman Alfred Vargas, Shaina Magdayao at Iza Calzado mula sa Alternative Vision (AV Cinema) idinirek ni McArthur Alejandre na kinunan pa sa New York City, USA. Alam naman ang mga manonood, gusto nilang pelikula ay kinukunan sa ibang bansa.
Hindi nakapasok ang Isa Pang Bahaghari sa 2019 Metro Manila Film Festival nina Nora Aunor, Michael de Mesa at Philip Salvador dahil may kaparehong genre pero dito sa Summer Filmfest ay sinigurado na ng pamunuan ng MMDA na pasok na mula sa direksyon ni Joel Lamangan produced ng Heaven’s Best Entertainment. Ikatlong pelikula na nina Ipe at Nora ang Isa Pang Bahaghari at huli nila ay noon pang 1980, ang Bona at Nakaw na Pag-Ibig.
Nakikinita na namin na tatawa na naman kami kay Angelica Panganiban sa pelikulang Love or Money na sasabayan din ni Coco Martin mula sa ABS-CBN Film Productions, Inc mula sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar na marunong mangiliti ng audience, alam na.
Romance ang genre ng Ngayon Kaya nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez mula sa direksyon ni Prime Cruz under T-Rex Entertainment. Base sa trailer bagay ang dalawa, sana maganda ang kuwento nila.
At in fairness nakahabol ang Coming Home ni ex-senator Jinggoy Estrada kasama si Sylvia Sanchez at marami pang iba. Family drama ang genre ng pelikula kaya sobrang seryoso ang dalawang nabanggit sa napanood naming trailer mula sa direksyon ni Adolf Felix Jr handog ng Maverick Films at line produce ng ALV Productions.
Kaya pala nagkasakit ang ibang cast ng Coming Home dahil sa pagkakaalam namin ay 17 days na lang ang natitira bago ang deadline ng finish film kaya ratsada ang shooting nila. Hindi lang namin sure kung nakapunta pa ng ibang bansa sina Smokey Manaloto at Jinggoy bilang mga OFW.
Anyway, kanya-kanyang hula na ang mga lahat ng dumalo sa nasabing announcement ng walong pelikulang kasama sa Summer filmfest kung ano ang mga kikita at hindi. Pero nabanggit namin sa MMDA/MMFF spokeperson na si Noel Ferrer, “ang ganda ng line-up ngayong Summer, sana ganito rin pang December.”
Sa Abril 4, Sabado ang Parade of Stars na magsisimula sa Mabuhay Rotonda patungong Quezon City Circle. Ang festival ay simula April 11 hanggang April 21.
-REGGEE BONOAN