NAKOPO ng University of Santo Tomas ang ika-apat na sunod na kampeonato sa boys division, habang napanatili ng University of the East ang titulo sa girls class ng UAAP High School Judo Championships nitong Linggo sa SM Mall of Asia Arena.

Nakamit ng Junior Golden Judokas ang dalawang gintong medalya mula kina half-heavyweight Joshua Quizon at heavyweight Rael Abujos para makopo ng UST ang kabuuang 24 puntos.
Bumuntot ang La Salle-Zobel na may 21 puntos, kasunod ang Far Eastern University-Diliman, sa pangunguna ni Knoxville Lining sa half-middleweight gold, na may 18 puntos.
Nagwagi si Yvan Ayalin sa middleweight division, ngunit hindi nito kinaya ang kampanya ng Ateneo na makapsok sa Top3 tangan ang 16 puntos.
Nadepensahan naman ng Junior Lady Warriors ang korona mula sa panalo nina featherweight Mary Joy Baldos, extra lightweight Joemari-heart Rafael, at half-lightweight Denise Mae Pidlaoan.
Tumapos ang UE na may 37 puntos, 11 puntos ang bentahe sa UST.
“Nag-stick lang naman po kami sa general game plan namin na kahit anong mangyari, walang bibitaw, walang susuko sa gitna ng laban,” pahayag ni UE captain Jea Lopez.