Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
2:00 n.h. -- UE vs FEU (men’s)
4:00 n.h. -- UE vs FEU (women’s)
NASA proseso muli ng team rebuilding pagkaraang mawalan ng ilang key players, uumpisahan ng Far Eastern University ang tangkang manatiling contender sa pagsabak kontra University of the East sa solong laro sa women’s division sa opening ng UAAP Season 82 Volleyball Tournament ngayong hapon sa MOA Arena sa Pasay.
Inaasahang mamumuno sa Lady Tamaraws na tumapos na pang-apat noong nakaraang taon ang nagbabalik aksiyon mula sa ACL injury na si Lycha Ebon.
Makakabalikat ni Ebon upang punan ang mga naiwang puwang nina Jerrili Malabanan, Heather Guino-o, Carly Hernandez, Celine Domingo at setter Kyle Negrito sina Gel Cayuna, Jeanette Villareal, libero Buding Duremdes at Ivana Agudo.
Aabangan din ang magiging ambag ng kanilang mga promising rookies na sina Shiela Kiseo at Sheena Gallentes na sisikaping mailabas ang natatanging talento ni coach George Pascua para sa Lady Tams.
Sa panig naman ng Lady Warriors, target naman nilang umangat mula sa kanilang 7th place finish noong nakaraang season.
Nasa rebuilding stage din kaparis ng Lady Tams ang tropa ni coach Karl Dimaculangan.
At inaasahan nyang mangunguna sa tangkang pag-angat ng Recto-based squad sina Mean Mendrez, Seth Rodriguez, Zilfa Olarve at Yeye Gabarda.
Gayunman, malaking papel ang gagampanan at pupunan ng bago nilang libero na si Jackskin Babol sa pagkawala ng multi awarded nilang libero na si Kath Arado na nagtapos na ang playing years sa UAAP.
Ganap na 4:00 ng hapon ang tapastan ng Lady Tamaraws at Lady Warriors kadunod ng sagupaan ng kanilang men’s squads sa pambunhad na laro ganap na 2:00 ng hapon.
-Marivic Awitan