SA napipintong pagwawakas ng Visiting Forces Agreement (VFA) matapos abisuhan ng pamahalaan ng Pilipinas ang gobyerno ng United States na nais na nitong tapusin ang kasunduan, nagsimula nang maghanda ang dalawang bansa para sa aktuwal na terminasyon, 180 araw mula sa petsa ng pagpapaalam.
Ang VFA ay isang kasunduan sa pagdaraos ng taunang pagsasanay upang mahasa ang tropa ng magkabilang bansa sa isang magkatuwang na operasyon sa kaso ng isang pag-atake sa anumang teritoryo ng dalawang bansa. Pinahihintulutan nito ang paglalagak ng mga suplay ng US sa mga base ng Pilipinas, na gagamitin sa naturang pagsasanay. Ipinatutupad din sa VFA ang dalawang pangunahing defense treaties—ang Mutual Defense Treaty at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Bago pa tuluyang magwakas ang VFA sa Agosto 9, 180 araw matapos abisuhan ng Pilipinas ang intensyon nito noong Pebrero 11, pinag-aaralan na ngayon ng magkabilang panig ang posibleng aksyon o kasunduan na maaaring ipatupad at sundan kahit pa wala na ang VFA.
Sinabi nitong Biyernes ni Philippine Ambassador to the US Jose “Baby” Romualdez na siya at si US Ambassador to the Philippines Sung Kim ay “talking almost every day, seeing how we can move forward with two nations’ relationship.”
Ikinokonsidera, anila, ang dalawang posibleng tugon—ang US Status of Forces Agreement sa Japan at ang US agreement sa Australia. “We are trying to find ways and means to be able to see how we can either come up with something similar, still following the President’s thinking about the sovereignty issue,” ani Ambassador Romualdez.
Ang tinutukoy na soberanyang ito, na nakikita ni Pangulong Duterte sa ugnayang panlabas ng Pilipinas, ay ang susi sa anumang bagong kasunduan. Matagal nang nakikita ng maraming bansa ang mahigpit na pagkapit at pagsandal ng Pilipinas sa US, isang legasiya na nabuo sa kalahating siglo ng kolonyal na pamumuno na tinampukan pa ng tatlong taon ng magkasamang pakikipaglaban kontra sa Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang VFA, sa probinsyon nitong nagpapahintulot na mapanatili ang mga pasilidad ng US at mga probinsyon sa loob ng mga base ng Pilipinas, ay nakikita ng ilan bilang pagpapahintulot pa rin sa puwersa ng US na manatili sa teritoryo ng Pilipinas sa pagitan ng aktuwal na pagsasanay. Isa itong tanda ng lumang kasunduan sa mga base, na para kay Pangulong Duterte, ay isang paglabag sa soberanya ng Pilipinas.
Kinakailangan pa rin ang ilang uri ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US bilang magkaalyado sa gitna ng tumataas na panganib ng teroristang grupo tulad ng Islamic State na sumuporta sa mga Maute sa pagkubkob sa Marawi City noong 2017.
May panahon pa upang punan ang espasyo na maiiwan sa terminasyon ng VFA pagsapit ng Agosto, sa pamamagitan ng mga katulad na kasunduan na pinanghahawakan ngayon ng Japan at Australia, dalawang malaya at may soberanyang bansa, sa US.