MARAMI nang bansa sa mundo ang ngayon ay dumaranas ng impeksiyon ng coronavirus (Covid- 19). Halos 40 bansa sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang nahawahan na ng karamdamang ito na nagmula sa China na may 1.2 bilyong populasyon.

Sa Pilipinas na kinahuhumalingan ng mga lider ng bansa ang pakikipagkaibigan sa higanteng bansa ni Pres. Xi Jinping, nagkaroon na rin ng mga kaso ng Covid-19 na dala ng ilang Chinese nationals. Ang isa ay namatay sa San Lazaro hospital samantalang ang kanyang girlfriend o partner ay nagkaroon din ng impeksiyon, pero gumaling naman.

Dahil sa sakit na ito na habang sinusulat ko ito ay wala pang natutuklasang gamot o bakuna, bumagsak ang Philippine stock market bunsod ng labis na pangamba sa Covid-19 na posible raw maging isang epidemyang pandaigdig o global pandemic.

Hindi lang ang PH stock market ang bumagsak kundi maging ang global markets. Bagsak din ang ekonomiya ng mga bansa dahil sa takot sa coronavirus. Matindi ang pinsalang likha ng sakit na ito kung kaya maging ang paglalakbay ay natigil na nagdulot ng pagkalugi sa industriya ng turismo at airline industry.

Ang Philippine Airlines (PAL) ay nag-lay off na ng 300 empleyado bilang hakbang sa pagkalugi. Ipinatupad ng PAL management ang tinatawag na retrenchment process bilang bahagi ng business restructuring initiative upang mapalakas ang revenues o kita at mabawasan ang gastos.

oOo

Kung si dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang paniniwalaan, chairman ng Stradbase-ADR Institute, isang pambansang trahedya umano ang paghawak ng Duterte administration sa territorial claim ng Pilipinas.

Ayon kay Del Rosario, ang nangyayari ngayon ay isang “national tragedy” na dapat labanan. Badya ng dating Kalihim: “Bilang isang demokratikong bansa, hindi tayo naniniwala na tanging isang tao lamang ang gagawa ng ganitong nakapipinsalang pagpili para sa ating mga mamamayan.”

Ang tinutukoy rito ni Del Rosario ay ang pagbuwag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States. May nagsasabing nilagot ni PRRD ang kasunduan dahil sa pagkansela sa US visa ng matapat niyang alyado at dating tauhan na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Itinanggi ito ng ating Pangulo at sinabing halos wala namang napapala ang Pinas sa VFA. Pabor lang daw ito sa bansa ni Uncle Sam.

Bagamat inamin ni Del Rosario na “imperfect” ang kasunduan, sinabi niya na ang terminasyon nito ay makaaapekto sa mga benepisyo ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) sa magkasanib na pagsasanay at exercises, sa modernisasyon, sa pagkakaloob ng ayuda sa panahon ng kalamidad at bilang epektibong kabalikat sa kontra-terorismo.

Sabi sa English ni Del Rosario: “This shift in foreign policy of casting aside a reliable ally in favor of an aggressive northern neighbor that wants to deprive us our land and seas is incomprehensible and harmful to our country and our people.” Bakit nga ba galit na galit siya sa US at “patay na patay” naman sa China?

Dagdag pa niya: “Terminating the VFA would serve to actualize our pivot towards China against the strong and vehement objection of our people.” Siya ay ibinoto ng mga tao noong 2016 elections. Naniniwala sila sa kanya. Pero, ngayon yata ay higit pa rin ang kumpiyansa ng mga Pinoy sa US kaysa China kung pagbabatayan ang mga survey ng SWS at Pulse Asia. Tanong: Eh bakit ayaw niyang sundin ang gusto ng mga mamamayan na bumoto sa kanya?

-Bert de Guzman