HINDI pala legal opinion iyong nakasaad sa liham ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Telecommunication Commission (NTC) na may petsa 27. Ayon dito, puwedeng pahintulutan ng NTC ang mga broadcast company, tulad ng ABS-CBN na magpatuloy sa kanilang operasyon habang naghihintay na maaksyunan ng Kongreso ang panukalang batas na nagbibigay sa kanila ng panibagong prangkisa. “Hindi ako makapag-iisyu ng legal opinion dahil sangkot sa isyu ay mga karapatan ng pribadong kompanya at ang Kongreso ay siyang higit na karapatdapat na tumalakay nito,” wika ni Sec. Guevarra. Pero, maganda, aniya, kung ang Kongreso, sa pamamagitan ng concurrent resolution, ay siyang magbibigay ng kapangyarihan sa NTC na magbigay ng provisional authority sa mga kompanya para makapag-broadcast. Noong Miyerkules, inatasan ng Kamara ang NTC na mag-isyu ng provisional authority sa ABS-CBN para makapag-operate habang tinatalakay nito ang pagpapanibago ng prangkisa ng media network. May labing isang panukalang batas ang nakabimbin dito na naglalayong bigyan ng panibagong lisensya ito.
Ang problema, inaagiw na ang mga ito. Marami na ang mga kongresistang nag-uudyok kay Speaker Allan Cayetano na ikalendaryo na ang mga panukalang batas upang matalakay na nila ang mga ito. Wala naman silang magawa dahil hindi nila matinag ang Speaker, eh ito lang ang may kapangyarihan, ayon kay Butil Rep. Lito Atienza, para magawa ito. Ang katwiran ni Palawan Rep. Franz Alvarez, na chairman ng House committee on legislative franchise, ay may higit na mahalaga pang mga panukala ang kanilang kailangang unahin. Mali ang kanyang prayoridad. Ang karapatang mamamahayag at makaalam ay siyang pinakamataas na mga karapatan ng mamamayan sa demokratikong bansa. Sangkot ang mga ito sa isyu ng pagpapanibago ng prangkisa ng ABS-CBN, kaya ito ay ang may prayoridad sa lahat ng mga panukalang dapat talakayin ng Kongreso.
Dahil ganito ang sitwasyon, nanganganib na tumigil ang operasyon ng ABS-CBN. Si dating Chief Justice Reynato Puno, na siya mismong sumulat ng desisyon ng Korte Suprema, ang nagsabi na hindi puwedeng mag-operate ang media network nang walang prangkisa. Ipinatitigil niya ang nakagawian na ng Kongreso na bigyan ng awtoridad ang NTC na mag-isyu ng pansamantalang permiso para makapag-operate ang broadcast media company nang walang prangkisa dahil ito ay labag sa Saligang Batas. Dahil ito ang desisyon ng Korte, hindi maaasahan na hindi kuwestiyunin ni Solicitor General Calida ang pansamantalang permisong iisyu ng NTC sa ABS-CBN kahit may basbas ang Kongreso. Kaya, nga dinala nito sa Korte Suprema sa pamamagitan ng quo warranto ang isyu ng prangkisa ng ABS-CBN ay dahil dito higit na nakasisiguro siya sa laban kaysa Kongreso. Ito namang nakagawian na ng Kongreso na ibinibitin ang pag-aapruba sa pagpapanibago ng prangkisa at ipinapauubaya muna sa NTC ang magbigay ng pangsamantalang permiso para makapagoperate ang isang media network ay para mapahaba ang panahon para sa back door negotiation. Mistulang slaughterhouse ito kung saan pinadudugo ang media network na naglalakad maisyuhan ng prangkisa. Ang prangkisa ay parang basura dahil may pera rito.
-Ric Valmonte