LUMAWAK na nang husto ang entablado sa sports para sa Pilipinas.

Ngayong buwan ng Marso ay nakatakdang maglaro ang koponan ng bansa para sa World Baseball Classic (WBC) na gaganapin sa Marso 20 hanggang 25 sa Tucson Arizona.

At isa sa pinakaabangan ng mga Pinoy ay ang paglalaro ng sikat na dating football player na si Tim Tebow para sa koponan ng Pilipinas.

Malapit kay Tebow ang mga Pilipino at ang Pilipinas gayung 1987 nang isilang siya ng kanyang ina sa Lungsod ng Makati nang ang kanyang mga magulang ay nanatili sa bansa bilang mga misyonaryo.

Manny Pacquiao, inintriga kung saan pupunta sa sabay na laban nina Jimuel, Eman sa Feb

Tatlong taon si Tebow noon nang lisanin ng kanyang pamilya ang Pilipinas at pinili na manirahan na lamang sa Florida sa Estados Unidos.

Kaya naman hindi nagdalawang isip ang 32-anyos na professional baseball player na ngayon na si Tebow upang isuot ang uniporme ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon sa susunod na buwan.

Sa isang panayam sa kanya sa Major League Baseball (MLB) masaya umano si Tebow at hindi na makapaghintay na maglaro para sa Pilipinas sa naturang kompetisyon.

Sinabi pa niya sa isang malaking karangalan sa kanya ang mapabilang sa koponan ng Pilipinas.

Nabigyan ng pagkakataon si Tebow na makapaglaro Para sa Pilipinas ayon na rin sa alituntunin ng WBC kung saan ang isang professional baseball player ay maaring maglaro at irepresinta ang bansa kung saan sila ipinanganak.

Mismong ang Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang nag-asikaso nito sa pamamagitan ng MLB.

Plano din ng pamunuan ng PABA na makuha upang maglaro sa bansa sa WBC ang Fil-Japanese pitcher na si Yuki Takayama at ang Fil-Australian na si Jared Cruz.

Nakatakdang lumipad ang koponan patungong Arizona sa Marso 18.

-Annie Abad