INILUNSAD kamakailan ng regional police ng Bulacan ang Joint Industrial Peace and Concerns Office (JIPCO), isang pagsisikap upang maprotektahan ang trabaho mula sa mga radikal na labor organizations at maiwasan ang panghihimasok ng mga komunistang grupo sa mga industrial zones ng Central Luzon.

Pinangunahan ni Police Regional Office (PRO) 3 (Central Luzon) Director, Brig. Gen. Rhodel O. Sermonia, ang paglulunsad kamakailan ng proyekto sa Auditorium Victory Church sa Barangay Sumapang Matanda, kamakailan.

Sa naging programa, sinabi ni Sermonia na ang JIPCO ay hindi isang anti-labor o isang instrument para sa intimidasyon o dominasyon ng “labor rants.”

“JIPCO is for responsible unionism of harmonizing the labor and capital relations. It is for the job security and welfare of the workers. It is for industrial peace,” anito.

Binigyang-diin din ni Sermonia na nirerespeto ng pulisya ang anumang legal trade union hangga’t nagsusulong ito ng magandang samahan sa pagitan ng mga manggagawa at mga employer.

Dagdag pa nito, ang JIPCO ay isang mekanismo upang mapigilan ang mga industrial crimes,pagpasok ng ilegal na droga sa workplace at upang maiwasan ang anumang uri ng seksuwal na pang-aabuso sa trabaho.

“It also aims to address industrial crimes like pilferage, hijacking, and technical smuggling,” pahayag ni Sermonia.

Pinasalamatan naman ni Governor Daniel Fernando, ang pulisya sa implementasyon ng JIPCO, na aniya’y magbibigay beneisyo sa maraming labor group sa probinsiya.

Naniniwala umano ang gobernador na kapayapaan at kaayusan ang pundasyon para sa isang malakas at matatag na komunidad.

“When the community is at peace, the market will be vibrant and progressive and the communist group will not enter our province when we are united,” anito.

Tampok naman sa naging seremonya ang paglagda sa isang “declaration of commitment and solidarity” para sa industrial peace and partnership para sa pag-unlad ng ekonomiya sa pagitan ng mga pulis at mga opisyal, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, mga mamumuhunan at iba pang stakeholders.

Ang JIPCO ay isang community relations program ng Philippine National Police na layong mai-insulate ang mga industrial zones, partikular ang mga manufacturing industries sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority, mula sa pananakop ng mga mapanirang union na isinusulong ng mga legal na organisasyon ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front sa labor sector.

PNA