PARA masupil na ang mga manlalaro ng PBA sa kanilang paglalaro sa mga ‘ligang labas’, naglabas na ng bagong kautusan ang liga kung saan ang mga lalabag ay papatawan ng malaking multa at posibleng suspensiyon.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, naglabas na sila ng isang memo kung saan ang mga mahuhuling sumuway dito ay pagmumultahin ng halagang P50,000 at may tsansa pang masuspinde.

Sinumang manlalaro na mahuhuling lumaro sa ligang labas na walang basbas ng kanilang mother squad at ng PBA ay papatawan ng nasabing parusa.

“Para din naman ito sa mga kanila (players) kasi di natin alam.kung anong puwedeng mangyari. Puwede kasi silang ma injured at hindi makakuha ng kontrata,” paliwanag ni Marcial.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Bunsod ang hakbang na ito ng PBA matapos ang naging kaso nina Marcial Alaska forward Vic Manuel at Magnolia guard Jio Jalalon na naglaro sa isang ligang labas sa Laguna kasama ng suspindidong forward ng Phoenix na si Calvin Abueva.

Dahil hindi nagpaalam, kapwa sinuspinde sina Manuel at Jalalon ng kani-kanilang koponan ng tig-isang linggo na walang suweldo.

“Puwedeng matanggal ang isang player sa PBA dahil dito kasi nakasaad sa Uniform Players Contract,bawal silang maglaro sa ibang liga habang may kontrata sila,” ayon pa kay Marcial.

Ayon pa sa PBA chief, maaari pa nilang itaas ang ipapataw na multa ng hanggang P75,000 o P100,000.

-Marivic Awitan