SA nakalipas na araw sa kalagitnaan ng buwan, sunod-sunod na forest fire ang nanalasa sa Kabayan, Benguet.
Iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang malaking pinsala sa natural pine forests gayundin sa forest plantation na itinatag sa ilalim ng Expanded national Greening Program.
Kabilang sa napinsala sa natural forest ang 452 ektarya kasama ang halos 5,000 batang puno. Sa plantasyon, higit 160,000 puno sa 161 ektarya ang nasira. Tinatayang nasa P1.5 milyon ang kabuuang pinsala. Ayon sa Bureau of Fire Protection posibleng nagsimula ang sunog sa lugar kung saan inaalagaan ang mga baka, bagamat wala pang tiyak na dahilan ng sunog.
Maliit lamang ang sunog na naganap sa Benguet kung ikukumpara sa nanalasa sa California sa United States at sa southeastern areas ng Australia.
Sa loob ng ilang buwan noong 2018 at 2019, nasa 8,527 sunog ang nanalasa sa 766,000 ektarya sa iba’t ibang bahagi ng southern California, na sumira ng mga kagubatan kasama ang 22,751 tahanan at iba pang establisyamento, sa kabuuang $35 bilyon. Ilang buwan ding nanalasa ang sunog sa Australia noong 2019, kung saan nanganib din maging ang sentro ng national government sa Canberra matapos matupok ang nasa 35,800 ektarya ng kagubatan at sakahan.
Ang sunog sa Benguet ay maliit lamang kumpara sa nanalasa sa US at Australia ngunit iisa ang dahilan nito—ang tuyong panahon (dry weather) na maiuugnay sa climate change, dagdag pa ang ilang insidente na nagpasiklab dahil sa ‘di maingat na camp fire.
Nasa huling bahagi na tayo ngayon ng panahon ng amihan sa Pilipinas. Unti-unti nang mawawala ang malamig na hangin umiihip mula sa northeast sa arctic region para mabigay-daan naman sa pagpasok ng mainit na hangin mula sa Pasipiko sa silangan. Ang tatlong susunod na buwan ang sumasakop sa ating panahon ng tag-init.
Nagtaas na ng alerto para sa posibilidad ng kakulangan ng kuryente lalo’t ang init ng summer ay nagpapataas sa power consumption. Maaari ulit tayong makaranas ng pagra-rasyon ng tubig, sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam, ang pangunahing pinagmumulan ng suplay ng tubig sa Metro Manila, dahil sa ilang linggo nang ‘di pagbuhos ng ulan.
Ang forest fire sa Benguet ang ikatlong banta ng tag-init na dapat nating bantayan. Kakaunti na lamang ang nanatira nating kagubatan, at ang nasa Benguet ay partikular na mahalaga para sa mga tao ng Luzon, dahil malaking bahagi ito ng natural na ganda na umaakit sa mga tao mula sa mabababang lugar upang bumisita sa Baguio at kalapit na highlands tuwing weekend.
Kaya naman nananawagan tayo sa DENR at sa iba pang kaugnay na ahensiya para sa ating mga kagubatan na matutukan upang masiguro na magiging ligtas ang mga ito ngayong tag-init. Sa katunayan, dapat na tayong bumuo ng plano upang bumuo pa ng mas maraming kagubatan para tugunan ang ilang dekada ng deforestation sa bansa.