“IYAN ang lagi naming sinasabi. Pinapangarap lamang at ninanasa. Pwede nilang subukan pero, hindi nila magagawa,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Ganito niya minaliit ang rally ng mga kritiko ni Pangulong Duterte na ginanap nitong Sabado sa People Power Monument na nananawagan ng kanyang pagbibitiw. Ang mga nag-rally ay kasapi ng mga samahang Kilusan Kontra Tsina, Oust Duterte Movement, Bunyog at Confederation Against Federalism. Sa pagtaya ng pulisya, mga 100 ang lumahok. Baka hindi lang isang daan, dahil nakagawian na ng mga pulis na kapag may mga nag-rally laban sa administrasyon, isa sa mga paraan para lumabas na walang kwenta ang grupo-grupong pagkilos ay iulat na kaunti lamang ang dumalo.
Ipagpalagay natin na tama ang pagtaya ng pulisya sa mga nakilahok sa nasabing pagkilos, hindi naman mahalaga ang kanilang bilang sa panahon ngayon. Ang mahalaga ay naumpisahan na ng mamamayan na ipakita ang kanilang pwersa. Sa sama-samang pagkilos, ipinadama na nila na wala nang suporta sa kanila si Pangulong Digong. Masusubok ngayon kung wasto ang hindi natitinag, bagkus pataas pa nang pataas, na kanyang approval rating, ayon sa mga lumalabas sa mga survey. Higit na mahalaga ay naihayag nila sa pagtitipon ang kanilang katapangan sa kabila ng nakagawian na ng Pangulong magbanta at manakot.
Ganito sinimulan ng mga manggagawa ang kanilang kilusang bungguin ang moog ng diktadura. Noong panahong iyon, mahigpit na ipinagbawal ng rehimen ang magwelga. Dinarakip, at, ikinukulong ng diktadurya sa pamamagitan Arrest Search and Seizure Order (ASSO) o ng Preventive Detention Action (PDA) ang lahat ng mga nagrarally at nagwewelga. Ipinipiit sila nang walang limitasyon kahit na-dismiss na ang mga gawa-gawang kasong isinampa sa kanila. Kaya nga, kinuwestyon ko sa Korte Suprema ang nanatiling pagkakulong ng mga urban poor leader na nagwelga sa Navotas kahit na-dismiss na ang mga kasong rebelyon at subversion na inihain sa kanila. Isang taon lang ang itatagal ng mga napiit dahil sa PDA na wala nang kaso, sabi ng Korte. Ang pinakaunang welga sa panahon ng martial law ay iyong isinulong ng mga manggagawa sa pagawaan o distributor ng alak na nasa EDSA dahil sa unfair labor practices at napakababang sahod. Nagmistulang larangan ng digmaan ang EDSA sanhi ng mga ipinadalang napakaraming armadong pulis at kawal upang buwagin ang welga. Pansamantalang nabuwag ang welga, subalit hindi kalaunan, sunod-sunod nang nagsulputan ang mga welga na animo’y mga kabute at hindi na makaaggwanta ang mga maykapangyarihan.
Natauhan ang mga manggagawa at nakita nila ang pwersa ng kanilang hanay. Sa pakikipag-alynsa nila sa mga mabubukid, naging matibay at matatag na sangkalan ang kanilang hanay ng sambayanan nang ikasa nila ang laban. Ang sumunod ay ang pinakamakulay na bahagi ng ating kasaysayan. Ang ginanap ng grupo sa People Power Monument kamakailan ay simula ng panibagong dahon sa ating kasaysayan ng matinding pakikibaka.
-Ric Valmonte