MALALIM na usapin ang game-fixing, ngunit walang pangil ang batas para maabatan ang isyu.
Nagkakaisa ang Mababang Kapulungan na napapanahon na para mapagtibay ang batas na magpapataw ng kaparusahan sa mga opisyal, coach, player at sinumang sangkot sa game-fixing.
Ito ang nilalaman ng dalawang bill sa Kongreso na sisimulang talakayin sa House Committee on Youth and Sports Development sa pamumuno ni Rep. Eric Martinez sa Marso 4.
Nakahain sa Kongreso ang panukalang HB No. 1226 ‘An Act Redefining The Crime of Game-Fixing and Prescribing Stiffer Penalties’ na inihain nina Rep. Enrico Pineda at Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, may-ari rin ng Northport Batang Pier sa PBA.
Nakahain din ang HB. No. 5281 “An Act Redefining the Crime of Game Fixing and Providing Penalties’ na si Rep. Angelo Marcos Barba ang may akda.
Kabilang sa inimbitahan bilang ‘resource speaker’ sina Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, PBA Commissioner Willie Marcial, MPBL president Sen. Manny Pacquiao, gayundin ang kinatawan ng UAAP at NCAA.
Matagal nang isyu ang game-fixing na nagsimula noong dekada 70s sa PBA na kinasangkutan ng mga star players nito, subalit walang naparusahan sa kabila ng serye ng imbestigasyon.
Sa UAAP at NCAA – dalawang malaking collegiate league sa bansa – ay sentro rin ng kontrobersya, ngunit walang natukoy at naipit na sangkot dito.
“Kami sa GAB ay hindi nagkukulang para mabantayan namin ang mga liga na sanctioned ng ahensiya. We’re doing our best para malagay sa tama ang lahat. Actually, yung illegal bookies at illegal on-line cockfighting ay nilalabanan namin yan. At para masiguro na lehitimo ang mga tao na involve dyan, inimpose d namin yung pagkakaroon ng mga lisensya ng lahat ng involve sa sabong,” pahayag ni Mitra.
Ngunit, sa pro league tulad ng basketball, football, at boxing, mabigat na usapin ang game-fixing kung kaya’t napapanahon ang naturang panukalang batas.
“Kung mataas ang penalty at mabigat ang kaparusahan, magdadalawang isip sigurado ang mga gustong ma-involved sa game-fixing,” pahayag ni Mitra, dating Palawan Governor at Congressman.
Kamakailan, mismong si Senator Pacquiao ang naglahad ng game-fixing sa kanyang liga. Nasa National Bureau of Investigation (NBI) na ang kaso.
-Edwin Rollon