ANG dating malakas na politikal na pag-aalsa, ay nakitaan ngayon ng malaking pagbaba ng bilang ng mga protesta at rally. Halos wala na rin ang dating nakatutulig na ingay at mga pulang bandera na nagkalat sa kalsada nang bumalot sa bansa ang mga nasaksihang pang-aabuso.
Ang pinakanakababahalang bahagi, gayunman, ay ang unti-unting paglalaho ng damdaming ipinamalas ng publiko noon sa People Power Revolution. Sentro ng pagkawala ng interes ay ang katotohanan na ang mga pangunahing tao sa likod ng pag-aalsang ito, ngayon ay nahaharap sa kani-kanilang sariling laban.
Si Juan Ponce Enrile, sa kabila ng kanyang hinog nang edad, ay nahaharap ngayon sa kaso ng plunder na nagpabagsak sa kanyang kredibilidad. Si Fidel V. Ramos, militar na napasok sa politika, kasabay ng katandaan ay humaharap naman sa akusasyon na pinagkakitaan lamang niya ang kanyang panunungkulan bilang pangulo.
Kasama sa mga ipinapalagay na ‘pagkakasala’ ni Ramos ay ng pagsasapribado ng mahahalagang pag-aari ng pamahalaan tulad ng National Steel Corp., ang dating pinakamalaking pabrika ng bakal sa Asya; ang Bonifacio Global City; at ang Petron Corp., na ibinenta sa Saudi Aramco.
Kamakailan lamang, si Gregerio Honasan, koronel na naging senador, ay natagpuan ang sarili sa gitna ng kontrobersiya matapos magbitiw ang isang deputy ng kanyang DICT (Department of Information, Communication and Technology) dahil umano sa paraan kung paano naisasalin ang pondo patungo ng ahensiya sa “intelligence purposes.”
Bagamat hindi na mabubura sa kasaysayan ang ‘kabayanihang’ ginawa ng tatlo, ang mapait na kontrobersiyang idinidikit sa kanilang pangalan, ay nakaapekto sa pagbaba ng interes sa kilalang pag-aalsa. Sa ipinapakitang pagpapahalaga ng kasalukuyang liderato sa taunang paggunita ng EDSA revolution, hindi malabong ang tanyag na 1986 revolution ay mawalan ng ningning.
Ang implikasyon ng posibilidad na ito ay nakapanlulumo. Kapag naglaho na ang silakbo sa damdamin, ang apoy na nagpapainit sa kagustuhang maihayag ang oposisyon ay naglalaho rin. Kailangan nating pasiglahin ang puwersa upang maihayag ang ating sentimyento sa pinakasibilisadong paraan.
Ang tamang kalayaan ay hindi matatamasa sa pananahimik at pagyuko lamang. Ito ay pinauunlad sa paulit-ulit na pakikinig ng nakatutulig na ingay na kalaunan ay bubuo sa rasyonal at iisang adhikain.
Sa unti-unting pagkawala ng mga pangunahing personalidad na nanguna sa pag-aalsa laban kay Marcos noong 1986, walang puwang ang kapanatagan. Noong 2015, namayapa na si Agapito ‘Butz’ Aquino, ang lider ng August 21 Movement, gayundin, kamakailan si Aquilino ‘Nene’ Pimentel, Jr.
Ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng 1986 revolution ay hindi naman nangangahulugan ng pag-aalsa o destabilisasyon. Isa lamang ito paalaala para sa atin upang suriin ang mga nagaganap sa paligid, at manindigan na maihayag ang boses bilang makabuluhang salalayan na higit na pagpalakas sa ating demokrasya.
-Johnny Dayang