‘I’M BACK!

LUCENA— Binawi ni Mark Julius Bordeos ng Bicycology-Army ang tangan sa  classification individual lead matapos ang Stage 4 na nadomina ng Standard Insurance-Navy nitong Miyerkoles sa LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race mula Daet, Camarines Norte hanggang dito.

MULING isinuot ni Mark Bordeos ng Bicycology Shop-Army ang red jersey bilang lider sa individual classification.

MULING isinuot ni Mark Bordeos ng Bicycology Shop-Army ang red jersey bilang lider sa individual classification.

Tinampukan ni Ronald Lomotos, 25, ang ratsada ng Navy sa 206km stage laban sa kasanggang sina Junrey Navarra at El Joshua Carino para sa 1-2-3 finish ng  Standard Insurance sa parehong tyempo na apat na oras, 56 minuto at 28 segundo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang si Bordeos, Stage 1 winner, sa 18-man second group na may oras na 4:57:31, sapat para bawiin kay Stage 3 winner Jerry Aquino, Jr. ng Scratch it  ang LBC red jersey – simbolo ng pangunguna sa premyadong race marathon sa bansa.

Tangan ng 24-anyos na si Bordeos ang kabuuang oras na 14:41:17, may anim na segundo ang bentahe kay George Oconer ng Standard at Rustom Lim ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines na parehong may oras na 14:41:23.

Bumagsak si Aquino sa No.5 (14:42:07) sa likod ni No. 4 Marcelo Felipe ng 7Eleven (14:41:39).

“Nice to have the jersey back,” pahayag ni Bordeos.

Para kay Lomotos, tapik ito sa kanyang balikat matapos madiskwalipka sa karera may dalawang taon na ang nakalilipas. Binigyang siya ng bonus na P20,000 ni host Lucena Mayor Roderick Alcala.

Naunahan din ng Standard ang 7Eleven sa overall team lead sa torneo na inorganisa ng LBC sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.

Tangan ng Navymen ang kabuuang oras na 51:00:54, tatlong minuto ang bentahe sa 7Eleven riders (51:03:43). Nanatili sa No.3 ang Bicycology Shop-Army (51:04:12).

“That's one race down, and more to go. I'm so proud of our team, and I see more surprises and rewards from our riders in the next days,” pahayag ni Bicycology Shop-Army team manager Eric Buhain.

“I believe in my Army Bicycology boys. They are experienced and will adjust their game plan,” aniya.

Pinasalamatan din ni Buhain ang ilang opisyal sa Philippine Army na walang patid ang suporta sa koponan tulad nina LTC Dexter A. Macasaet, QMS ( GSC) PA - Director SSC, IMCOM (P), MGen. Tyne T. Bañas, AFP - Cmdr, IMCOM (P), PA at Lt.Gen Gilbert I. Gapay AFP - CG, PA.

“Yung suporta nila at tulong sa ating mga riders ay tunay namang nagbigay lakas sa kanila para magpursige sa laban,” sambit ni Buhain.

Itinataguyod din ang karera ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.

Lalarga and 128.5km Lucena-Antipolo Stage Five ngayon.