NOONG dekada 90, namayagpag ang pananaw na sumusulong sa “globalisasyon”. Na ang buong mundo, tulad daw sa isang komunidad o “global village”. Ang pusod ng bawa’t bayan magkaugnay, at magkarugtong sa iba’t ibang larangan, halimbawa, ekonomiya, pamumuhunan, pangangalakal, turismo, kalikasan, pamumulitika, kapayapaan atbp. Lahat may epekto sa bawa’t bansa. Pati produkto, idolohiya, kultura, maging sakuna, at kung ano pa ang bago at uso sa mundo maaaring makapasok.
Tulad sa internet, FB, Twitter, bubunga sa merkado ng globalisasyon. Oo, makikinabang ang buong mundo, pero, damay din tayo sa kung may kapalpakan.
Nagugunita ko 1997, ang bukang-bibig namin sa Unibersidad, ay “global competitiveness”. Ang ihanda ang Pilipinas sa pangmundong tagisan. Wika namin noon, “Think Global!”. Na ang ibig sabihin, sa negosyo, pamumulitika, seguridad, pati tagisan ng talino, kelangan mundo ang ating teatro.
Isa ako sa mga nangamba sa modang ito. Bagama’t magbubukas ng maraming pinto at oportunidad para sa ating bansa, subali’t nasilip ko din, ang pagdatal ng karagdagang banta sa ating republika.
Halimbawa, kung sa kasalukuyang siglo, langis ang pangunahing yaman at kalakal sa mundo, sa susunod na siglo, tubig ang maariing pagsimulan ng bangayan at gera ng bawa’t bansa. Bakit? Dahil, mas mahalaga ang tubig sa buhay ng tao, kesa langis. Marami tayo niyan.
‘Di ba ang HIV-AIDS hindi nagmula sa Pilipinas. Galing sa mga dayuhang bansa. Sa kasalukuyan, libu-libo na ang may HIV sa Pinas. Ang droga saan ba nanggaling yan? Aling bansa ang tila bulag sa pagpasok ng bilyon-bilyong pisong “shabu” sa ating lipunan? Ang African Swine Flu, na sumira sa ating lokal na industriya ng baboy? Ang kasalukuyang coronavirus, saan ulit nagsimula? Na kung hindi natin bibigyan ng mabilisan at sapat na atensyon, baka matulad tayo sa South Korea na 800 na ang may sakit.
Mabuti pa ang Turkey dahil hindi pa nakapasok sa kanilang bakuran. Panahon na, na ang pangsariling kapakanan unahin. Kung kelangan isakripisyo ang turismo at negosyo, para sumaklolo sa buhay ng Pilipino, gawin na. Isara na muna, ang Pilipinas.
-Erik Espina