Naniniwala ang World Health Organization (WHO) na kaya pa ng mundo na mabaka ang novel coronavirus disease (COVID-19) dahil sinisikap ng maraming bansa na makatuklas at makahanap ng mabisang gamot o bakuna laban dito.

Sinabi ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na maaari pang masugpo ang COVID-19,  ngunit nagbabala siya sa posibilidad na ito ay maging isang pandaigdig na epidemya o pandemic dahil marami nang bansa ngayon ang apektado ng sakit.

Pinuri ni Tedros ang China sa matinding pamamaraan sa quarantine sa ilang siyudad sa bansa upang mapigilan ang paglaganap ng karamdaman na mahigit na sa 2,000 ang namamatay at higit na marami ang apektado. Umabot na ito sa 80,000.

--ooOoo--

Kahit hindi dumalo o nakisangkot si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa selebrasyon ng ika-34 na anibersaryo ng EDSAPeople Power, nanawagan naman sa mga Pilipino na tiyaking ang legacy o pamana nito ay panatilihing relevant o angkop sa kasalukuyan.

Nagkakaisa ang oposisyon at administrasyon sa panawagan sa mahigit 100 milyong Pilipino, laluna sa mga kabataan, na laging tandaan ang diwa ng EDSA. Naganap ang pag-aalsa laban sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Pebrero 22-25, 1986.

Pinangunahan na noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile at AFP vice chief of staff Lt. Gen. Fidel Ramos na puno rin ng PC-INP, ang kudeta laban kay Marcos na nanatili sa puwesto sa loob ng 20 taon.

Sa kanyang panawagan, hinimok ng Pangulo ang mga Pinoy na iwasan ang “petty political differences” at ipagpatuloy ang pangangalaga at pagtatanggol sa mga kalayaan na nawala sa mahabang panahon sa ilalim ng Marcos dictatorship.

Samantala, sinabi ni Vice Pres. Leni Robredo na ang EDSAPeople Power Revolution ay dapat na maging babala sa sinumang magtatangka na supilin ang mga tao sa pamamagitan ng kamay na bakal. Aba, may pinatatamaan ka yata VP Leni!

Noong martial law, sinupil ni Marcos ang malayang pamamahayag, binusalan ang bibig ng mamamayan na makapagpahayag, tinanikala ang demokrasya, isinara ang Kongreso, media, ginawang personal army ang AFP at Police, at ginawang tuta ang Supreme Court.

Binigyang-diin ni beautiful Leni na ang makasaysayang pag-aalsa ay hindi naman nanghihingi ng isang “perpektong lider.” Ang kailangan lang ng mga Pilipino ay “isang gobyerno na ang mamamayan ay namumuhay nang may dignidad, isang gobyerno na matapat at hindi abusado”.

-Bert de Guzman