NAGPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng suggested retail price (SRP) sa mga produktong agrikultural, tulad ng karne, isda at iba pa sa Metro Manila. Papatawan ng 15 taong pagkabilanggo ang sino mang negosyante at retailer na lalabag sa SRP.
Layunin ng SRP ng DA na protektahan ang taumbayan o consumers sa pagtataas ng presyo sa mga produkto, partikular sa mga produktong agrikultural at pangisdaan, sa National Capital Region. Batay sa Price Act na ginawang gabay ng DA sa pagpapatupad ng SRP, ang mga negosyante at retailer na lalabag sa kautusan ay nahaharap sa pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon, multang mula sa P5,000 hanggang P2 milyon, o parehong kaparusahan.
Sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na nakikipagtulungan ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government, at sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila na subaybayan ang mga presyo sa mga palengke at patawan ng angkop na parusa ang mga lalabag.
Sa Price Act, pinahihintulutan ang DA na parusahan ang mga tiwali at mapagsamantalang negosyante na nagkokontrol sa suplay ng mga produktong agrikultural para sila ay tumubo nang malaki. Ang batas ay naglalayong para mapigilan ang mga indibiduwal o kompanya na nagmamanipula sa mga presyo ng pangunahing bilihin at produkto.
oOo
Ipinagdiwang ng bansa ang ika-34 anibersaryo ng People Power Revolution noong Martes na pinangunahan nina ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex-AFP Vice chief of staff Lt. Gen. Fidel V. Ramos na siya ring hepe ng PC-INP noong Pebrero 1986. Napatalsik si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos na itinuturing na isang diktador na sumupil sa kalayaan ng mga Pilipino at sumikil sa demokrasya. Marami ang nagsasabi, laluna ng mga kritiko ng EDSA 1, na lipas at limot na ang okasyong ito. Pero, kung iisipin at susuriin nating mabuti, hindi batayan ang pagkaunti ng mga dumadalo sa pagdiriwang taon sa paglipas ng panahon upang ituring na wala nang halaga ito.
Maging ang araw ng kamatayan nga ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani, ay dinadaluhan lang din ngayon ng kakaunting mga Pinoy. Noon ay dagsa ang mga tao sa pagpunta sa Luneta (dating Bagumbayan) para sumama sa paggunita sa kamatayan ni Rizal. Subalit sa paglipas ng mga taon, pansinin na kakaunti na rin ang nagpupunta sa Luneta para ipagdiwang ang dakilang bayani. Para sa Palasyo, ang mga pagsisikap at pagtatangka na pabagsakin si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay isang kahibangan lang o “wishful thinking.” Iba’t ibang grupo ang nagpunta noong Sabado sa People Power Monument para hilingin ang pagbibitiw ni Mano Digong. Inakusahan nila ang Pangulo bilang tuta o sunud-sunuran sa China.
Ang mga organiser ay binubuo ng mga miyembro ng Kilusan Kontra Tsina, Oust Duterte Movement, Bunyog at Confederation Against Federalism, na naglalayong makaakit ng may 1,000 protesters. Gayunman, sinabi nila na 400 tao lang ang dumalo sa rally, pero sinabi ng PNP na 100 lang ang nasa monumento hanggang alas-3 ng hapon.
Dahil dito, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na ang rally ay isang kabiguan. “Yan nga ba ang sinasabi ko na ito ay isang pipe dream lang (kahibangan). It’s a wishful thinking. Wala ito, puwede silang mag-try and try. Hanggang doon lang sila.” Iginiit naman ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo na hindi batayan sa dami ng bilang kung ang isang okasyon o aktibidad ay kakaunti lang. Tulad nga raw ng anibersaryo ng kamatayan ni Rizal, kamatayan ni Magsaysay at nga iba pang mga bayani na noong unang mga taon ay dagsa-dagsa ang mga tao na dumadalo, ngunit ngayon ay paunti nang paunti. Ang alaala at pagpahalaga raw sa kanila ay nasa puso at isipan, wala sa pisikal na pagdalo sa okasyon.
-Bert de Guzman