TULOY-TULOY ang paghahanap ng mundo ng bakuna para sa coronavirus, na pinangalanan na ngayong Covid-19 ng World Health Organization. Apat na pangunahing grupo ng mga siyentista at mananaliksik ang nagpapabilisan na pagbuo ng bakuna gamit ang iba’t ibang teknolohiya, na suportado ng Coalition for Epidemic Preparedness Innovations, na itinatag noong 2017 sa gitna ng ebola outbreak sa West Africa na kumitil sa 11,000 tao.
Nagtutulungan ngayon ang German pharmaceutical company CureVac sa Tubingen, Germany, at Moderna Therapeutics ng Pennsylvania, United States, para sa isang bakuna base sa “messenger DNA” na magbibigay ng panuto sa katawan na maglabas ng protina upang labanan ang virus.
Habang ang Inovio, mula rin sa Pennsylvania, ay nakikipagtulungan naman sa Beijing scientists sa pananaliksik sa genetic coding ng virus upang makuha ang cells ng katawan na lilikha ng protina na katulad ng nasa surface ng virus. Kapag natutunan ng immune system na makilala ang protina handa na itong atakihin ang virus kapag pumasok ito sa katawan.
Mino-modify naman ng mga French scientists sa Pasteur Institute sa Paris ang bakuna sa measles upang magamit laban sa coronavirus.
Habang ang mga Australian researchers sa University of Queensland ay gumagamit ng “molecular clamp technology”na naimbento ng mga siyentista ng unibersidad upang mabilis na makabuo ng bagong mga bakuna base sa virus DNA sequence. Umaasa ang mga Australian scientists na magiging handa na ang bakuna sa loob ng anim na buwan.
Kahit pa patuloy ang pananaliksik upang makabuo ng bakuna na lalaban sa virus, tila wala pang tiyak na kaalaman kung paano pumapasok at sumasakop ang coronavirus sa biktima. Kung malalaman ito, mas kakaunting biktima ang mangangailangan ng bakuna upang malunasan.
Ang kasalukuyang kaalaman kung paano kumakalat ang Covid-19 ay base lamang sa kung ano ang nalalaman sa mga katulad na kaso. Pinaniniwalaan itong kumakalat sa mga tao na nagkaroon ng close contact sa isa’t isa (about six feet) sa pamamagitan ng respiratory droplets kapag ang isang tao ay bumahing o umubo, at ang mga droplet na ito ay mapunta sa bibig o ilong ng mga tao at makapasok sa kanilang baga. Posible rin umano, ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDCP), na mahawaan ang tao sa paghawak sa isang bagay na may virus, at humawak ito sa mukha. “But this is not the main way the virus spreads,” ayon sa CDCP.
Pinakamalaking tuon ng kaso ng coronavirus sa labas ng China ang Diamond Princess cruise ship na napilitang dumaong sa baybayin ng Yokohama, Japan, sa loob ng dalawang linggo. Sinabi ng China Center for Disease Contol and Prevention na maaari ring maisalin ang virus sa pamamagitan ng potential fecal-oral route – sa kamay, pagkain, at tubig, kung saan pumapasok ang mga mikrobiyo sa bibig o mata o malalanghap. Kaya naman inirerekomenda ang madalas na sanitasyon o hygiene measures, kabilang ang pag-inom ng pinakuluang tubig, pag-iwas sa pagkain ng hilaw, pagpapatupad ng separate meal systems, madalas na paghuhugas ng kamay, disinfecting toilets, at pag-iwas na makontamina ang tubig at pagkain mula sa stool ng pasyente.
Unti-unti nang bumababa ang kaso sa China, ngunit dumodoble naman ang bilang ngayon sa Europa, Gitnang Silangan at sa Asya. Sa tamang panahon, magkakaroon din ng bakuna na magpapahinto sa sakit, tulad ng iba pang mga epidemya na napahinto noon. Sa ngayon, kailangan natin ang mas maraming impormasyon tungkol sa kung paano kumakalat ang
Covid-19 upang mapigilan ito at makatuon sa paghahanap ng bakuna na lulunas sa mga apektadong pasyente.