NAGA CITY— Nakasingit sa pulutong si Jerry Aquino, Jr. ng Scratch It at rumatsada ng todo na parang wala nang bukas para pagwagihan ang Stage 3 at maagaw ang overall general classification lead mula kay Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop-Army sa LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race nitong Martes na nagsimula sa Legazpi City at natapos sa Panganiban Drive dito.


Naungusan ni Aquino, 27, sa finish line si Go for Gold skipper Ronnel Hualda at Bicycology Shop-Army’s Dominic Perez sa isang ‘mass finish’ kung saan pawang naitala nila ang parehong tyempo na dalawang oras, 47 minuto at 12 segundo.
“Ito naman talaga ang pangarap naming mga riders, maisuot ang leader’s jersey,” pahayag ni Aquino, anak ng beteranong Marlboro Tour campaigner na si Jerry, Sr.
Suot ni Aquino ang LBC red jersey – tangan ni Bordeos sa nakalipas na dalawang araw – sa pagsikad ng makapigil-hiningang 206km Stage Four, pinakamahabang distansiya sa 10-stage race na inorganisa ng LBC sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation.
Magsisimula ang karera sa Daet, Camarines Norte at matatapos sa Lucena.
Bunsod ng panalo, nakuha ng pambato ng Makati City ang 10 segundong bentahe para maagaw ang liderato kay Bordeos, nagwagi sa Sorsogon Stage One, tangan ang kabuuang oras na 9:43:39. Nasa No.2 si Bordeos na may oras na 9:43:46 sa torneo na may nakalaang P1 milyon sa individual champion.
Nakaalpas si Aquino bunsod nang patuloy na bantayan ng mga riders mula sa 7Eleven Cliqq- Air21 by Roadbike Philippines at Standard Insurance-Navy.
“Pinanoonod ko lang sila, basta ako diskarte sa teammates ko,: ayon kay Aquino.
Sa kasalukuyan, limang riders ng 7Eleven ang nasa Top 10 habang kumabig para sa team event ng karera na suportado rin ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Napanatili nina Rustom Lim (9:43:52), Mark Galedo (9:43:59), Aidan James Mendoza (9:44:05), Marcelo Felipe (9:44:08) at Mervin Corpuz (9:44:08) ang puwesto mula No.4 hanggang No.8.
Kipkip naman ni Standard’s George Oconer ang No.3 (9:43:52) para manatiling tanging rider ng koponan sa Top 10. Nasa labas ang kanyang katropa na sina dating champions Jan Paul Morales at Ronald Oranza para sa No.13 (9:45:02) at No.18 (9:45:17) ayon sa pagkakasunod.
Kasama rin sa Top 10 sina Alvin Benosa ng Celeste Cycles Phl Dev Pro Team (9:44:09) at Jester Neli Mendoza ng Bicycology (9:44:13).
Nangunguna ang grupo ni Galedo sa team overall na may kabuuang oras na 36:08:59 kasunod ang Standard (36:11:30) at Bicycology (36:11:39).