ANG bilis ng pacing ng 24/7, unang episode palang nito noong Linggo, Pebrero 23 ay lumaki na kaagad ang anak ni Julia Montes sa huling bahagi ng kuwento at ito’y si Tony Labrusca na isa ng doktor at kaya ito ang napili niyang propesyon ay para sa inang namatay dahil sa pakikipaglaban sa mga taong itinago ang gamot para sa virus na kumitil sa maraming buhay. Present time ay 2045 at ito ang aabangan sa susunod na Linggo, Marso 1.
At dahil sa bilis ng pacing ay marami kaming nabasa sa social media na ‘nalito’ sila sa takbo ng kuwento, oo nga naman, flashback na kasi ang mga naunang bahagi ng kuwento.
Ang daming naka-miss kay Julia bukod sa curious ang lahat sa kuwento ng 24/7 kaya naman unang sultada palang ay nakamit ng programa ang 27% kumpara sa 17.1% ng Daig Kayo Ng Lola Ko at 17.4% ng Centerstage ni Alden Richards.
Bukod kasi sa mabilis ang pacing ng 24/7 ay maayos ang kuwento, at ang gagaling ng mga kasamang artista ni Julia, sabi nga, bawal ang hindi marunong umarte sa programang ito tulad nina Edu Manzano, JC Santos, Denise Laurel, Joem Bascon, Joross Gamboa, Eric Fructuoso, Melissa Ricks, Arjo Atayde at Pen Medina.
Ang bilis namatay nina Meryll Soriano at McCoy Deleon bilang magkapatid at sigurado kaming may sariling episode ang dalawa dahil doktora ang una sa hospital na pinaglilingkuran ni Julia na pagmamay-ari naman ng pamilya nina Edu, Arjo at Denise na itinatago ang gamot na susi sa virus pero sa hindi pa malamang dahilan ay ayaw pa ito ipagamit sa mga tao.
Magiging make it a habit na panoorin ang 24/7 tuwing Linggo dahil aabangan mo ang mga susunod na mangyayari, eh. Sabagay kapag gawang Dreamscape Entertainment, siguradong kaabang-abang talaga.
Ay siya nga pala, daming nagsabing bagay loveteam sina Julia at Arjo, huh.
-Reggee Bonoan