ISANG mahalagang bahagi ng proseso ng halalan sa United States ang state-by-state election ng dalawang politikal na partido ng bansa para sa mga naglalaban-labang mga delegado sa national conventions na silang pipili ng kandidato para sa pagkapangulo sa Nobyembre. Sa muling pagsabak ni Republican President Donald Trump sa reelection, ng walang ibang humamon para sa nominasyon ng partido, nakatuon ngayon ang lahat sa Democrats na magsasagawa ng state-by-state primaries at mga kokus upang pumili ng kanilang delegado sa national convention.
Pinili ng Iowa Democrats si Pete Buttiegieg noong Pebrero 3, habang wagi si Bernie Sanders sa New Hampshire noong Pebrero 11 at sa Nevada nitong Pebrero 22. Nakatakdang bumoto ang South Carolina sa Pebrero 29, na susundan ng 14 pang estado at dalawang hurisdiksyon sa Marso 4— kilala bilang Super Tuesday. Ito ang Alabama, American Samoa, Arkansas, California, Colorado, Democrats Abroad, Maine, Massachusetts, Minnesota, North Carolina, Oklahoma, Tennessee, Utah, Vermont, at Virginia. Habang sa Super Tuesday naman boboto ang pinakamalaking populasyon na estado sa Amerika—ang California at Texas – na sumasakop sa 40 porsiyento ng populasyon ng US.
Ngayong taon, sa unang pagkakataon, bahagi ng voting cards sa Nevada ang Tagalog, kasama ng English at Spanish, bilang pagkilala sa tumataas na halaga ng lumalagong komunidad ng mga Filipino-American community sa Nevada. Ang mga Pilipino ang may pinakamalaking komunidad ng Asian-American sa estado—na tinatayang nasa 200,000 mula sa 3 milyon nitong populasyon.
Hindi nakilala ang mga Pilipino para sa malaking bilang ng mga botante nito sa nakalipas, ngunit batid ng mga politiko na maaari itong panggalingan ng voting bloc. Kaya naman maraming politiko ang nagsasabing Filipino-American leaders. “They are paying attention to us because they know now that we vote,” paghayag ng isang Filipina campaign volunteer.
Tulad ng mga Latinos, ang mga Pilipino saUS ay kalimitang bumoboto para sa Democrat. Batid naman ng lahat ang mariing pagkontra ni Republican candidate Trump laban sa mga immigrants, partikular sa pagdadala ng kanilang mga kamag-anak sa bansa, kaya naman malaking salik ito sa pagboto ng mga Asian-Americans sa nakatakdang halalan, dagdag pa ng volunteer.
Pilipino ang ikalawa sa pinakamalaking grupo ng Asian-American sa US ngayon, mas mababa sa mga Chinese, ngunit mas mataas sa bilang ng mga Indians, Vietnamese, Koreans, at Japanese. Matagal na silang kinikilala para sa ambag nila sa ekonomiya at lipunan ng bansa.
Ito ang unang pagkakataon na mapapasama ang Tagalog sa voting cards para sa primary, bagamat sa malaking kaalaman at paggamit ng mga Pilipino ng Ingles, hindi naman magiging mahirap para sa kanila ang bumoto saanman sa Amerika.