SA gitna ng mabilis na pagkalat ng epidemya na coronavirus 2019 o COVID-19 at ang pagbabawal ng paglalakbay na ipinatupad ng China at ang special administrative region upang mapigilan ito, inaasahang mawawala sa Pilipinas ang nasa USD291.71 million o PHP14.83 billion sa turismo, para lamang sa buwan ng Pebrero.

Ang China ang kasalukuyang “fastest-growing source market” ng bansa, na may 1.7 million turista ang bumisita sa Pilipinas sa 2019.

Sa pagkawala ng mga bumibisitang Chinese, gumagawa ng paraan ang tourism stakeholders sa bansa upang mapanatili ang industriya.

Sa Boracay, nakararanas ang mga resort at hotel ng kanselasyon dahil sa travel ban. Apektado rin ang maliliit na mga negosyante mula sa outbreak.

Si Pepito Embarque, isang e-tricycle driver sa Boracay, ay kalimitang nagdadala ng mahigit isang daang turista kada araw, kalimitan sa mga ito at Korean at mga Chinese. Ngunit dahil sa panganib ng virus, malaki ang ibinaba ng bilang nito.

“Nawala na talaga ang Chinese, napakalaki ng nawala. Sa amin ang laki na ng lugi kasi Koreans at Chinese talaga ang kadalasan naming pasahero. Dati umaabot ng isang daang pasahero, ngayon kalahati na lang,” pagbabahagi nito sa Philippine News Agency (PNA).

Kung magtatagal pa ang sitwasyon sa loob ng susunod na limang buwan, maituturing itong “sakuna” para sa maliliit na tourism enterprises sa Pilipinas, ayon kay Tourism Congress of the Philippines president Jose Clemente III.

“Hopefully not until six months, we’re talking about PHP60 - P70 billion -- but that’s approaching the close season already. But then again if it drags on, it becomes catastrophic for the smaller players in the industry. We’re talking about the Chinese tour operators, they may be forced to close down completely,” pagbabahagi nito sa isang panayam nitong nakaraang linggo.

Sa isang hakbang na malimitahan ang epekto ng outbreak, pinakalakas at aktibong nag-iimbita ngayon ang Department of Tourism (DOT) ng mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas. Sa susunod na buwan, isang nationwide effort upang palakasin ang paglalakbay sa pamamagitan ng shopping sa pagbubukas ng unang Philippine Sale Festival.

Pinalakas din ng DOT ang promosyon nito, sa inaasahang pagbisita mismo ni Pangulong Duterte sa Boracay, Cebu, at Bohol – mga destinasyong pinakaapektado ng pagbagsak ng bilang ng mga dayuhan, patikular ang mga Chinese.

Sa partisipasyon ng Pangulo sa pagsusulong ng mga lugar at implementasyon ng mahigpit na polisiya upang maprotektahan ang mga turista laban sa Covid-19, nananatiling positibo ang DOT na magiging malakas pa rin ang turismo ng Pilipinas ngayong 2020.