MARAMI marahil sa mahigit 100 milyong populasyon ng Pilipinas ang hindi nakaaalam na nalugi ang libu-libong magsasaka ng P68 bilyon dahil sa epekto ng ipinasang Rice Tarrification Law (RTL) ng Kongreso na pinirmahan ng Pangulo.

Ang labis na pagkalugi ng mga magsasaka na tulad ng yumao kong ama na ang maliit na sakahin ay binubungkal ngayon ng aking mga pamangkin, ay bunsod daw ng pagdagsa o pagbaha ng imported rice mula sa ibang bansa.

Sa pahayag ng Federation of Free Farmers (FFF), ang pagkalugi ng rice producers ay lumabis sa gains o pakinabang ng mga consumer ng hanggang sa P34 bilyon sa unang taon ng implementasyon ng RTL. Sa ginawang pag-aaral ng FFF, ang regular na presyo sa tingian o retail ng regular na milled rice o bigas ay bumaba ng P2.61 bawat kilo samantalang ang mga presyo ng well-milled rice ay bumagsak naman sa P1.99 kada kilo.

Kung tutuusin o imu-multiply daw sa tinatawag na consumption volumes, magreresulta ito ng gain o pakinabang sa mga consumer ng P34.16 bilyon sa porma ng mababang presyo ng bigas. Sa kabilang dako, ang presyo ng palay o farmgates prices naman ay babagsak sa P3.62 bawat kilo o pagkalugi ng mga magsasaka ng P68.18 bilyon, o doble sa gains o pakinabang ng consumers.

Sinabi ng FFF ang resulta sa unang taon ng implementasyon ng RTL ay kabaligtaran sa pangako ng mga nagpasa o pumabor sa RTL. Ayon sa kanila, mas marami ang consumers kesa sa producers (magsasaka) at maraming magsasaka ang maituturing na net consumers.

Nangangamba ang grupo ng negosyo (Makati Business Club) sa plano ng gobyerno na pawalang-bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States. Naniniwala ang MBC na kailangan ang malakas na relasyon upang maisulong ang mga interes at seguridad ng dalawang bansa.

Ayon sa MBC, ang VFA abrogation ay makaaapekto rin sa iba pang security agreements. Umaasa sila na magkakaroon pa ng diskusyon sa pagitan ng PH at US upang mapawi ang ano mang negatibong factors para mapanatili ang mga positibong benepisyo sa relasyon.

oOo

Kahit “mahal” at nababaitan si Pres. Rodrigo Roa Duterte kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na dati niyang Chief of Police noong siya pa ang Mayor ng Davao City, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi pa siya ligtas o “off the hook” sa imbestigasyon ng umano’y multi-bilyong pisong “pastillas modus” ng BI personnel sa mga paliparan, na naniningil ng tig-P10,000 sa bawat Chinese tourist para makapasok sa Pinas at magtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Sinabi ni Spox Panelo na hindi kukunsintihin ni PRRD ang mga pagkakamali ng kanyang trusted officials. Maaari raw ilipat si Morente sa ibang puwesto, tulad ng kinagawian ng Pangulo na ilipat sa ibang puwesto ang kanyang mga kaibigan at alyado, gaya nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapena.

Makulit ang isang kaibigan sa pagtatanong: “Talaga bang co-equal ang tatlong sangay ng gobyerno, Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura? Talaga bang may separasyon sila ng kapangyarihan? Tugon ko naman: “Ganyan nga ang katanungan ng maraming Pinoy ngayon”

-Bert de Guzman