“PUWEDE nilang dalhin ito sa Korte Suprema. Walang problema rito. Susunod lang kami kung ano ang sinasabi ng batas. Iyan ang laging sinasabi ni Pangulong Duterte,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga Palace reporters nitong nakaraang Biyernes. Walang problema, aniya, kukunin naming ang pagsang-ayon ng Senado kung iyan ang sasabihin ng Korte Suprema. Patungkol ito sa Visiting Forces Agreement (VFA) na mag-isang kinansela ni Pangulong Duterte. Sa utos ng Pangulo, nagpadala ng notice of termination si Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr. sa embahada ng Amerika, at batay rito, mapapaso ang VFA sa Agosto 9, o 180 araw pagkatapos nitong matanggap ang anunsiyo. Ayon sa mga Senador, hindi puwedeng gawin ng Pangulo ang ginawa niyang mag-isang pagkansela sa VFA nang walang pagsang-ayon ng Senado. Sa ilalim kasi ng Saligang Batas, ang anumang tratado, tulad ng VFA ay kailangang ratipikahin ng Senado. Walang sinasabi ang Saligang Batas na kapag kinansela ito ay kailangang pa ang kanyang ratipikasyon na siyang pinagbabatayan ng Pangulo sa kanyang ginawa sa VFA. Pero, 2/3 votes ng lahat ng mga Senador ang kailangan upang magkabisa ito bilang batas sa ating bansa. Hindi majority lang. Kung napakahirap magkabisa ang anumang tratado o kasunduang papasukin ng Pangulo dahil 2/3 votes ng lahat ng miyembro ng Senado ang kailanan, bakit napakadali niyang balewalain ito nang hindi niya kukunin ang kanilang pagsang-ayon? At ilang boto naman ng mga Senador para maging epektibo na susuporta sa gagawing pagkansela ng Pangulo?
Isyung constitutional ang nakapaloob sa banggaang ito nina Pangulong Duterte at mga Senador. Madaling pagpasiyahan ito ng Korte Suprema kung papanigan nila ang Pangulo dahil utang nila sa kanya ang pagiging mahistrado ng Kataastaasang Hukuman lalo na si Chief Justice Diosdado Peralta. Madali nilang sabihin na political question ito at hindi lapat ang remedyong declatory relief para kwestyunin ang ginawa ng Pangulo. Pero, ang kahalagahan ng isyu ay tumatagos sa utang na loob at pakikisama. Nakataya rito ang kapalaran ng maraming tratado o kasunduan na pinasok ng ating bansa sa pamamagitan ng mga nakaraang mga pinuno nito. Basta na lang ba na may bagong Pangulo na mag-isa niyang buburahin lahat ang mga ito dahil sa pansarili at personal na dahilan. Hindi na pag-aaralan ang implikasyon ng kanyang gagawin at gagamitin ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan para lamang gumanti at bigyan niya ng kasiyahan ang kanyang kaakuhan. Kaya, kinansela ni Pangulong Duterte ang VFA ay dahil kinansela ng Amerika ang visa ng kanyang drug warrior na si Sen. Bato dela Rosa at pinagbawalan nitong pumasok ng bansa ang mga opisyal na may kinalaman o kaugnayan sa pagkapiit kay Sen. Leila de Lima, na mortal niyang kaaway.
Dalhin sana na ng mga Senador ang isyu sa Korte Suprema upang magkaalaman kung paano ito magpapasiya. Pagpapasiyahan ba nila ito sa istilong quo warranto laban kay dating Chief Justice Sereno na personal ding kagalit ng Pangulo?
-Ric Valmonte