KUNG paniniwalaan si Vice Pres. Leni Robredo, hindi niya suportado ang ano mang panawagan na mag-resign si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Ang pahayag ay ginawa ni VP Leni bunsod ng natanggap niyang mga report na ang mass action ay gagawin sa Pebrero 22, dalawang araw bago ang selebrasyon ng ika-34 anibersaryo ng 1986 People Power Revolution noong Pebrero 25.
Tapos na ang Pebrero 22 at ngayon ay Pebrero 24 na. Sinulat ko ito nang advanced kaya hindi ko alam kung nagkatotoo o hindi ang mass action. Sa kabila nito, hayaan na lang nating magdiwang ang mga tao sa okasyong ito na lumagot sa diktadurya sa bansa ng isang diktador na sumupil sa kalayaan ng mga mamamayan. Ang ayaw mag-celebrate, huwag pilitin. Kanya-kanyang paniniwala.
Binigyang-diin ni beautiful Leni na kailanman ay hindi siya bahagi sa panawagang magbitiw si PRRD. Ang pakiusap lang daw niya ay magtrabaho at tumupad sa tungkulin ang lahat at magserbisyo para sa bayan.
oOo
Sa Miyerkules ay simula na ng Lenten Season o Mahal na Araw. Hiniling ni Auxiliary Bishop Roderick Pabillo, Archdiocese of Manila administrator, sa mananampalataya na huwag maligaw sa tunay na kahalagahan ng Lenten Season: Grace at Compassion sa kabila ng epekto ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Ayon kay Pabillo, maaaring maapektuhan ang ilang practices o kaugalian ngayong Mahal na Araw dahil sa Covid-19. Kabilang dito ang pagpapahid ng abo sa noo. Hindi na papahiran ng abo ang noo ng parishioners, sa halip ay ibubudbod na lang ito sa buhok ng isang tao.
Sa Pebrero 26, Ash Wednesday, ilang dioceses tulad ng Kalookan at Cubao ang hindi na magpapahid ng abo sa noo. Ipinapayo rin na iwasan ang paghahawak ng kamay sa panahon ng Ama Namin, paghalik sa pisngi o pagkakamayan sa panahon ng “peace be with you” ritual.
Mabilis sa pagsibak si PRRD kapag ang isyu ay tungkol sa kurapsiyon.
oOo
Agad niyang inalis sa tungkulin ang 19 na opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng pagkakasangkot nila sa tinatawag na “pastillas schme” o paniningil ng P10,000 para makapasok sa bansa bawat tsino. Nagtataka ang dalawa kong kaibigan, sina Palabiro- Sarkastiko-Pilosopo at Senior Jogger kung bakit hindi niya sinibak si BI Commissioner Jaime Morente sa bisa ng tinatawag na “command responsibility.”
Tugon ko sa kanila habang nagkakape: “Hindi ba ninyo nabasa ang pahayag ng Pangulo?” Batay sa mga ulat sa pahayagan, sinabi ni PDu30 na mahal niya si Morente dahil siya ay naging Davao City police chief noong siya pa ang Mayor. Si Morente raw ay mabait. Pailing-iling lang ang dalawa habang lumalagok ng kape na muntik nang maligwak.
oOo
Bibigyan daw ng Palasyo ng Malacañang ng proteksiyon si Police Lt. Col. Jovie Espenido, ang poster boy ng kontrobersiyal na drug war ni Mano Digong. Ayon kasi kay Espenido, maaari siyang maging target ngayon ng mga drug lord at maging ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno dahil sa pagkakasama niya sa narco list ng Pangulo.
Tahasang sinabi ni Spox Panelo na hindi papayagan ng Presidente na saktan ng kahit sino si Espenido. Maaari raw humingi ng proteksiyon at security ang poster boy vs illegal drugs kung kailangan nito. Itinanggi ni Espenido na sangkot siya sa narcotics trade at may hinala siyang ang pagkakasama niya sa listahan ng Pangulo ay gawa ng mga “sakim na pulitiko” na nakabangga niya kasabuwat ang drug lords.
Laging sinasabi ni Spox Panelo na hindi ugali ni PRRD na makialam sa affairs o gawain ng co-equal branches of government. Marahil nga. Pero, may mga nagdududa rito Sec. Panelo. Suriin daw ang mga isyu tungkol kay Sen. Leila de Lima, quo warranto ni ex- SC chief justice Ma. Lourdes Sereno, at ang pinakahuli ay ang pag-aatubili ng Kamara na talakayin at aksiyunan ang ABS-CBN franchise renewal application nito dahil sa quo warranto petition ni OSG Calida.
-Bert de Guzman