Sa maraming dahilan, itinuturing ng maraming taga-North ang Quezon City Memorial Circle bilang Rizal Park ng Manila. Kapwa may malawak na espasyo ang dalawa kung saan bumibisita ang mga taong naninirahan sa maiingay at masikip na lugar, upang i-enjoy ang tahimik na lugar at sariwang hangin.
May lawak na 58 ektarya ang Rizal Park na malapit sa Manila Bay kung saan sa sentro ay nakatayo ang monumento ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Habang ang QC Memorial Circle ay may 27 ektarya na may mausoleum kung saan nakalagak ang labi ni dating Pangulo Manuel L. Quezon.
Laman ng balita ang QC Circle nitong nakaraang linggo nang umaksiyon si QC Mayor Joy Belmonte upang mapahinto ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT-7) mula San Jose del Monte, Bulacan, patungong Commonwealth Ave. hanggang QC Memorial Circle, patungo ng North Ave. para sa mungkahing common station ng Light Rail Transit mula Manila via Rizal Ave. at Metro Rail Transit-3 sa Epifanio de los Santos Ave. (EDSA).
Ayon sa alkalde, malaki ang sinasakop ng MRT-7 project sa QC Memorial Circle. Nasa 4,997 square meters ang inilaan para sa MRT-7 station sa circle, ngunit lumalabas na limang beses na mas malaki ang nasa plano ng kontraktor. Iginigiit ng ilang environmentalists at historian na sinasakop na ng proyekto ang integridad ng circle bilang isang national heritage park.
Sinimulan na ang diskusyon kasama ang Department of Transportation at ang private contractor, San Miguel Corp., at ang iba pang stakeholders. Sinabi ni Mayor Belmonte na nais niyang magbigay ng opinyon ang National Historical Commission at National Commission for Culture and the Arts hinggil sa isyu. Kinikilala umano niya ang halaga ng MRT-7, bilang isang mass transit projects ng administrasyong Duterte, ngunit hindi nito dapat tinatapakan ang integridad ng circle.
Malaking bahagi ng proyekto, kabilang ang riles at MRT-7 station ay naka-underground. Magpapatuloy ang konstruksyon sa bahaging ito ng proyekto. Tanging ang konstruksyon lamang na nasa ibabaw, ang dapat na malimitahan upang mapanatili ang
Quezon Memorial Circle bilang isang parke at heritage site.
Dapat itong manatiling espesyal na lugar kung saan nakalagak ang labi ni Quezon kasama ang museo na naglalaman ng presidential memorabilia at mga bagay mula sa kasaysayan ng Quezon City, gayundin ang tatlong pylon na kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao na pinakamataas sa lugar. Dapat itong manatiling parke—isa sa iilang malaking espasyo sa buong Metro Manila—kung saan maaaring mag-enjoy ang mga tao.