“HINDI kami makikilahok sa ganyang gawain dahil ang mandato ng AFP ay maliwanag: proteksyunan ang taumbayan at pangalagaan ang estado. Ang malinaw sa amin ay ang pulitika ay para sa mga pulitiko at ang may tungkulin sa usaping panlabas ng bansa ay ang Department of Foreign Affairs,” wika ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Brig. Gen. Edgard Arevalo nitong nakaraang Huwebes. Kasi, nakapanayam siya sa radyo at inungkat sa kanya ang kumakalat na mga bali-balita na magkukudeta sa militar dahil sa pagkansela ni Pangulong Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA). Normal lang, aniya, para sa mga ilang sundalo na maglabas ng kanilang personal na opinyon hinggil sa isyu, pero ang AFP ay propesyunal na organisasyon. “Maaaring hindi kami sumasang-ayon sa aming mga kumander, pero maliwanag sa amin na iisang boses kami, susundin ang chain of command at duly constituted authority,” sabi pa ni Arevalo.
Mukhang may hindi na pagkakaunawaan sa ating kasundaluhan. Aminado si Arevalo na sa loob ng kanilang organisasyon ay may sumasalungat sa ginawa ng Pangulo sa pagkansela ng VFA. Hindi mo ito maiaalis sapagkat nag-aral at nagsanay sila bilang mga sundalo sa Amerika. Alaga sila ng mga Kano, maging si Gen. Arevalo at ang Chief of Staff ng AFP. E, ang hirap nilang masunod ang polisiya ng administrasyon. Independent foreign policy ang sinasabi ng Pangulo sa pagbanat niya sa America. Ayaw na niyang ipailalim ang bansa sa kontrol ng Amerika na, ayon sa kanya, ay siyang nangyayari sa relasyon ng ating bansa dito. Poproteksyunan niya, aniya, ang kalayaan at integridad nito sa pakikialam ng dayuhan sa pansarili nating gawain.
Ang problema, hindi naman ganito ang kanyang posisyon sa relasyon natin sa China. Ipinamigay na niya sa China ang West Philippine Sea at mga bahagi ng karagatang sakop ng ating exclusive economic zone. Pinayagan niya itong gumawa ng isla para sa mga eroplano nitong pandigma at imbakan ng mga panggiyerang materyales. Binuksan niya ang bansa para dito lubusang magnegosyo ang mga Instik at paramihin dito ang mga krimen. Ipinahahabol at ipinapatay ang mga rebeldeng komunistang Pilipino, pero hindi ang mga komunistang Instik. Sa kapulisan naman, sa kabila ng pagtatanggol ng Pangulo sa kanyang drug warrior na si Lt. Col. Jovie Espenido na malinis ito, inalis siya bilang chief of police sa Bacolod kung saan dito siya ipinadala ng Pangulo para patayin ang mga sangkot sa droga. Nanindigan sina DILG Sec. Eduardo Año at PNP Chief Archie Gamboa na kailangang linisin niya muna ang pagkakasama niya sa narcolist ng Pangulo.
Maaaring walang katotohanan ang bali-balitang kudeta, pero nagpapamalas ito na hindi na buo ang puwersa ni Pangulong Digong. Maaaring nakikita na ng kasundaluhan at kapulisan ang kahinaan ng Pangulo. Dahil sa kanyang karamdaman, iba na ang nagpapatakbo ng gobyerno. O kaya, nararamdaman na nila ang lakas ng bayan na siyang isinulong nila noong Pebrero 25, may mahigit na 30 taon na ang nakararaan nang igupo nila ang diktadura.
-Ric Valmonte