“Bilang PNP Chief at siya naman ay miyembro, haharapin ko si Espenido,” wika ni Philippine National Police Gen. Archie Gamboa patungkol sa kanyang “general instruction” sa mga 357 pulis na nasa narco list ni Pangulong Duterte na manahimik. Kasi, publikong tinalakay ni Lt. Col. Jovie Espenido ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa listahan.
Samantalang kasama, aniya, siya sa drug watch list noong 2016, inalis naman siya ng PNP nang sumunod na taon. Ang pagkakasama niya, ayon sa kanya, ay failure of intelligence ng mga pulis. Pero, nanindigan si DILG Secretary Eduardo Ano na mapagkakatiwalaan ang narco list dahil galing ito sa PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, National Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines at National Intelligence Coordinating Agency. Ganoon pa man ang kaso ni Espenido ay inimbestigahan na at makailang ulit na inaalam kung dapat manatili o alisin ang kanyang pangalan sa narco list. Ang narco list ay epektibong nagamit ni Pangulong Digong noong nakaraang halalang lokal dahil napatahimik o naobliga niya ang kanyang mga kalabang pulitiko upang suportahan ang kanyang mga kandidato sa takot na masama sila sa narco list. Nag-uumpisa pa lang kasi ang kampanya, iwinagayway na ng Pangulo ang kanyang listahan na umano ay sangkot sa droga ang ilang mga pulitiko.
Aminado si Espenido na nasa drug watch list siya noong 2016. Hindi malinaw kung noong panahong iyon ay pinuno siya ng pulisya sa Albuera, Leyte. Dahil sa kanyang panahon nang salakayin ng mga pulis ang piitan kung saan nakakulong si Mayor Rolando Espinosa at pagbabarilin sa gitna ng gabi. Eh si Espinosa ang pinagdiinang drug lord ng Pangulo batay sa kanyang narco list at nangyari ang pagpatay sa alkalde pagkatapos na siya ay magreport kay PNP Chief noon na si Senador Bato dela Rosa sa Camp Crame. Pero, kung totoo ang inamin ni Espenido, wala na siya sa drug watch list nang salakayin ng mga pulis na kanyang pinamumunuan ang tahanan ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at napatay ito at ang 14 na kasamahan dahil naganap ito noong 2017. Ngayong nagrereklamo siya sa pagkasama ng kanyang pangalan sa narco list ng Pangulo, inalis siya sa bago niyang tungkulin bilang chief of police ng Bacolod. Dito siya huling ipinadala ng Pangulo dahil marami na raw addict dito at inatasan siyang patayin lahat ang mga ito.
Dahil hindi kumilala ng due process at rule of law ang pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo, ginawa lamang pang-target practice ang napakaraming buhay. Gaya nitong si Espenido, nasa narco list pala eh siya ang tagapagtaguyod ng programa. Eh parang pinagbantay mo ang kambing sa iyong taniman ng repolyo. Sa pagbubunyag ng mga ganitong sitwasyon, at iyong mga pangyayari na maagang naganap noong panahong masidhing pinaiiral ang war on drugs na maramihan na kung pumatay, mismong sa pantalan pumasok ang bulto-bultong shabu, bakit hindi maniningil ang mga biktima kahit nasa hukay na sila. Sa karma nila makukuha ang hustisya.
-Ric Valmonte