NAGSAMPA ng very urgent motion si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema para pagbawalan ang ABS-CBN at mga taong umaakto para sa kanya na talakayin at mag-isyu ng anumang pahayag hinggil sa qou warranto na kanyang inihain laban sa media network. Nais kasi ni Calida, sa pamamagitan ng qou warranto, ay pawalang-saysay ang prangkisa ng ABS-CBN na magwawakas sa Marso 30. Dahil nakabimbin ang kaso, hindi, aniya, pwede itong talakayin ayon sa prinsipyong “sub judice”. “Hindi pa kontento sa pagpapalabas ng opisyal na pahayag hinggil sa petisoyn, ang ABS-CBN ay nagpropaganda pa na ang maliwanag na layunin ay makuha ang simpatiya ng publiko, maibaling ang opinyon publiko para maimpluwensiyahan ang resolusyon ng kaso,” wika ni Calida sa isang pahayag.
Malaking problema itong nais mangyari ng attack dog ni Pangulong Duterte. Ang isyu ng prangkisa, kung dapat pang bigyan uli ang ABS-CBN, ay pinipilit nang talakayin ng Kongreso dahil ito ang may hurisdiksyon dito. Nakialam ka ngayon, at humanap ka ng ibang paraan para tuluyang mapagbigyan si Pangulong Duterte, eh nananakit ka. Gusto mong manahimik na lang ang iyong kinakalaban, napakahirap tanggapin ito dahil pumaparehas ito para idepensa ang kanyang sarili.
Sige ipagpalagay natin na maniwala ang Korte sa iyong sub judice at pipigilin nitong magsalita ang ABS-CBN at ang mga inirereklamo mong sina Vice Ganda, Noli de Castro, Anthony Taberna at lahat ng mga staff nito, na tulad mo, ay nakialam sa isyu, ano ang gagawin mo sa taumbayan na nais ilabas ang kanilang saloobin? Napakahalagang isyu ito para sa kanila. Nais nilang marinig ang kanilang panig, pabor o laban, sa quo warranto mo. Nais mo kasing mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN na isa sa pinagkukunan nila ng mga mahalagang impormasyon na may kinalaman sila at may kaugnayan sa kanilang kapakanan. Sakop ba ang mamamayan para pagbawalan ang ABS-CBN na iulat ang kanilang opinyon at posisyon hinggil sa isyu? Hindi pa paso ang prangkisa nito at pwede pang mag-operate ito hanggang Marso 30.
Malalagay lang sa hindi magandang posisyon ang Korte Suprema. Iba ang sitwasyon noon nang sampahan ng quo warranto ni Calida si dating Chief Justice Sereno at ang sitwasyon ngayon. Matapang na ang mammayan pagkatapos nilang mapagtanto na ang drug war ng Pangulo na pumapatay noon at kinatakutan nila ay peke lang. Hindi na sila mag-aatubiling ilabas ang kanilang saloobin. Hindi pwedeng pigilan ng Korte ang ABS-CBN na iere ang damdamin ng publiko nang hindi nilalabag ang kanilang kalayaan sa pamamahayag. Anumang gag order sa ABS-CBN, sa puntong ito, ay pagbusal sa taumbayan. Baka hindi nila ito igalang at hindi naman ito mapairal ng Korte. Baka maging inutil lamang ang gag order.
-Ric Valmonte