KINAILANGAN pa ng direktiba ng pangulo para ipatupad ng mga alkalde sa bansa ang isang pangunahing panuntunan sa lokal na pamahalaan – ang mga pampublikong lansangan ay hindi dapat gamitin para sa mga pribadong pakinabang, lalo na kung ang dulong resulta ng pagpapabaya ay ang kaguluhan ng trapiko tulad ng mga siksikang trapiko sa Metro Manila.
Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 22, 2019, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alkalde ng 60 araw – o hanggang Setyembre 29 – “to reclaim all public roads that were being used for private ends.”
Marahil ay napansin niya sa kanyang mga paglalakbay sa buong bansa na napakaraming mga kalye ang ginagamit bilang paradahan, napakaraming mga tindahan ang sinasakop ang mga sidewalk, at maging ang mga ahensiya ng gobyerno ay nagtayo ng mga tanggapan sa kalye, kasama sa mga ito ang local barangay at police headquarters.
Matapos ang utos ng Pangulo sa kanyang State of the Nation, nagsimula ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng sistematikong inspeksyon sa mga kalsada sa buong bansa, na inaatasan ang mga mayor na linisin ang lahat ng mga pangunahing at pangalawang kalsada sa kanilang mga lugar sa loob ng 60 araw.
Kalaunan ay iniulat ng DILG na 6,899 na mga kalsada sa buong bansa ang nalinis sa mga sagabal. Sinuri nito ang mga mayor at natuklasan na 328 ay nalinis na ang 91 hanggang 100 porsiyento ng kanilang mga kalsada, habang 497 ay may medium compliance - 81 hanggang 90 porsiyento, at 323 ang may mababang pagsunod - 70 hanggang 80 porsiyento. Siyamnapu’t pitong mayor ang itinuturing na nabigo - na ang compliance ay 70 porsiyento lamang o mas mababa.
Nitong Lunes, binigyan ng DILG ang 1,245 mga lokal na yunit ng gobyerno ng isa pang 75 araw upang ipagpatuloy ang kampanya sa paglilinis ng kalsada. Nagsimula ang 75 araw noong ika-17 ng Pebrero, sa pagkakataong ito ay kalahok na ang mga kapitan ng barangay.
“We recognize that the barangays have the No. 1 responsibility in keeping the roads obstruction-free,” sinabi ni DILG Secretary Eduardo Ano, “so under Road Clearing 2.0, we will also assess the performance of the barangays and file appropriate charges if necessary.”
Ito ay isang kampanya na madaling masubaybayan ng pangkalahatang publiko. Nasa labas sila araw-araw at maaaring makita kung saan nakaparada ang mga kotse sa mga kalye at nagpapabagal o humarang sa trapiko. Dapat tanggapin ng mga lokal na opisyal ang mga ulat mula sa kanila bilang paglahok ng mga ordinaryong mamamayan sa isang mahusay na programa ng gobyerno.
Inilarga ni Pangulong Duterte ang programa nang ilunsad niya ito sa kanyang State of the Nation Address. Maaari itong isakatuparan sa tulong ng mga karaniwang tao na naglalakad sa mga kalye ng bayan o lungsod araw-araw at makita kung kailan nilabag o binabalewala ang programa.