BILANG paggigiit ng kanyang ugnayang panlabas upang bumaling ng alyansa sa China at Russia, sa isang alanganing hakbang ay winakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces Agreement ng Pilipinas sa Unites States.
Bumulabog ang desisyong pagtapos sa kasunduan sa iba’t ibang sektor, na dahilan upang magbigay ang ilang mga eksperto ng kanilang pagtataya sa isyu.
Magbibigay-daan ang kanselasyon para sa inaasahan nang terminasyon ng iba pang kasunduang pangmilitar na meron ang Pilipinas sa Amerika, kabilang dito ang Mutual Defense Treaty, na ‘di tulad ng VFA, ay mangangailangan ng apruba ng Senado.
Ngunit higit na malaking palagay na inilalabas ng isyu matapos ang pagbabago ay ang epekto sa politika ng estratehiyang ito para sa bansa. Kahit pa nga, na sa nakalipas na mga dekada ng pagkikipagkasundo natin sa US, alam natin na palaging dehado ang Pilipinas.
Gayunman, higit na radikal na opsyon na sanang pinili ng Pangulo ay ang pag-aralan muna ang kasunduan, kilalanin ang mga kamalian sa nakalipas, magrekomenda ng pagbabago, humingi ng dagdag na prebilehiyo, o itaas ang kasunduan sa isang tratado.
Bagamat nakakakita tayo ng pag-unawa sa pagbabago, ang sugal na ito ay magiging mas epektibo sana kung itinulak ito sa umpisa pa lamang ng panunungkulan ni Duterte.
Sa higit dalawang taon na lamang na natitira, kailangang ikonsidera ni Duterte ang malayang Senado na tiyak na itutulak ang isyu ng VFA sa Korte Suprema. Manalo o matalo, ang lehislatibong hakbang na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng panahon, at sa lumalapit na panahon ng halalan, ang kasiguraduhan ng pagbuhay sa VFA matapos ang 2022 ay hindi rin malabo.
Bagamat walang bukas at lantarang pagkontra na narinig mula sa sangay ng militar bilang pagtukoy sa pagbasura ng VFA, ang pananaw ng defense, kung paniniwalaan ang mga sangay nito, ay hindi panig sa foreign policy shift ni Duterte.
Sa mga maliliit na umpukan at mga campus, ipinapalagay ang VFA hindi lamang bilang isang diplomatiko o pangmilitar na kasunduan. Ang mga Pilipino, sa sentimental na rason, ay may malalim na pagpapahalaga na nagbibigay kahulugan sa ating relasyon sa Amerika. Tunog emosyonal, ngunit ang pagtingin na ito ay maririnig din sa mga halagi ng tanggapan ng defense.
Sa ilalim ng mga kahulugang ito ay ang mga isyu na maaaring maliit lamang, ang pagbabago ng direksyon ng ugnayang panlabas, language barrier, pagkakaiba sa ideolohikal na tuon, pagbabago sa mga military equipment upang umayon sa prebilehiyong alok ng bagong kaalyado, at ang reaksyon ng publiko sa hakbang.
Maaaring may magandang dahilan ang administrasyon sa paglayo nito mula sa labis na pagdepende sa suporta ng US, ngunit ang malakas na sentimyento ng publiko, kung pagbabasehan ang mga survey sa nakalipas na taon, ay hindi kailanman pumabor sa Russia at China, sa kaso ng alyansang militar.
Hindi man natin batid ngayon, ang pagbabagong ito ng geopolitikal na alyansa ay posibleng maging kritikal na isyu pagsapit ng 2022.
-Johnny Dayang