BALIK aksiyon ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa Marso 16.
Ipinahayag ng NCAA Management Committee na ipagpapatuloy ang mga ipinagpaliban at mga kinanselang events ng Season 95 ng liga sanhi ng coronavirus (Covid-19) outbreak.
Inaasahang itutuloy sa nasabing petsa ang kompetisyon sa indoor volleyball, football, lawn tennis at soft tennis. May dalawa pang nalalabing play dates sa elimination round ng men’s at women’s volleyball tournaments.
Gayunman, kukonsulta pa rin ang NCAA sa Commission on Higher Education, Department of Education at Department of Health kung ligtas nang ituloy ang kanilang plano.
Kung mabibigyan ng go signal ng mga nasabing ahensiya ng gobyerno, maging ang Track and Field event ay sisimulan din sa Marso 16 habang ang cheerleading competition ay sa Marso 30.
Samantala, ang Under-15 Basketball at Beach Volleyball ay gaganapin naman sa Abril 25 at 29, ayon sa pagkakasunod.
-Marivic Awitan