MAY panlaban rin ang Philippine Team sa 2020 Tokyo Para Olympics.
Nakasungkit ng Olympic slots si swimmer Ernie Gawilan matapos maabot ang kinakailangang puntos para mapasabak sa quadrennial meet na nakatakda sa Agosto 25 hanggang Setyembre 6.
Nakalap ni Gawilan ang Olympic points bunsod nang matikas na kampanya sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta Indonesia at sa 2019 World Para Championships na ginanap sa London kasama sina Garry Bejino, Arnel Aba at Roland Sabido.
Aminado si Gawilan na maging siya ay nasopresa dahil ang kanyang pagkakaalam ay dalawang events pa ang dapat niyang lahukan.
“Akala kop o isa o dalawang events pa po. Pero sabi ni coach Tony, ok na raw po, siya po talaga ang nakaalam,” pahayag ni Gawilan.
Ito ang ikalawang pagkakataon na sasabak sa Olympics si Gawilan na bahagi rin ng delegasyon na sumabak sa 2016 Rio de Janeiro sa Brazil.
“Masaya po ako, kasi kapag nagkataon, ito po ang ikalawang beses na makapaglaro sa pinakamataas na competition. Kakaunti lang po kasi ang nakakarating doon,” pahayag ng 28- anyos na si Gawilan.
Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahandang ginagawa ni Gawilan kung saan buo ang suporta na kanyang nakukuha buhat sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ni Chairman William “Butch” Ramirez.
Malaking bagay, ayon kay Gawilan ang suportang ibinibigay ng gobyerno sa mga tulad niyang atleta.
“Sana po ay huwag po kayong magsawang sumuporta sa sports dito po sa ating bansa, para po maituwid po sila sa mga bagay na nakakasira sa kanila. Malaking tulong din po kasi ito para sa kanila lalo na sa kalusugan po at para magkaroon po sila ng disiplina,” pahayag ni Gawilan.
Lubos ang pasasalamat ng pambato ng Davao na si Gawilan sa lahat ng kanyang tagumpay na nakuha at sa patuloy na suporta ng sambayanan sa Para athletes.
“ Unang una po sa lahat Gusto ko pong pasalamatan ang Diyos sa kanyang binigay na talento sa akin at sa NSA po namin Philspada- NPC Philippines. Lalo na po sa PSC at sa board member po ng PSC Commissioners at kay Chairman Ramirez na walang sawang pag suporta sa NPC Philippines at sa mga coach ko team mate at mga kaibigan lahat po salamat po sa inyo,” ani Gawilan.
-Annie Abad