ANG pastillas na ngayon ay bumabandera sa mga balita, radyo at TV ay isang masarap-matamis na parang kendi na gawa sa gatas ng kalabaw at asukal. Popular ito sa aming bayan sa San Miguel, Bulacan kung kaya ang tawag sa aming lugar ay San Miguel de Mayumo. Ang “mayumo” ay salitang Kapampangan na ang ibig sabihin ay “matamis.” Isang cottage industry ang paggawa ng pastilyas sa bayan ko.
Ngayon, ang “pastillas” o pastilyas ay parang may bagong kahulugan sapul nang mauso sa Pilipinas ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na ang mga pinuno at kawani ay pawang Chinese nationals mula sa mainland China.
Noong Miyerkules, nakalathala sa isang English broadsheet ang “P10-B pastillas BI racket allows entry of Chinese.” Nagsagawa ng pagdinig ang Senado na nagbulgar sa umano’y bribery scheme o suhulan sa Bureau of Immigration (BI) para maging madali at mabilis para sa mga Tsino na makapasok sa ‘Pinas sa pamamagitan ng tourist visas at dakong huli ay magtrabaho sa POGO.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on women, children and family relations, na ang eskima o bribery scheme ay tinatawag na “pastillas” dahil ang mga pera ay nakarolyo sa puting office paper na kahawig ng lokal na “sweet milk candy” na ipinamamahagi sa mga corrupt na opisyal.
Sapul nang lumaganap ang POGOs sa iba’t ibang panig ng bansa, lumaganap din ang mga krimen, tulad ng prostitusyon, pagkidnap sa mga Chinese ng kapwa Chinese para ipatubos (ransom) sa mga kamag-anak o pamilya na nasa mainland China.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Hontiveros na ibinunyag ng BI sources na P10,000 “service fee” ang ibinabayad sa bawat Tsino na makapasok sa pakikipagtulungan ng corrupt immigration officials. Sa P10,000 daw, P2,000 ang pinaghahatian ng BI personnel na nasa airport.
Ayon kay Sen. Risa, ang P8,000 ay naipamahagi na bago pa makarating sa airport ang mga Tsino. “Ibinebenta ng corrupt officials ang ating country’s boarders kapalit ng perang-Tsino (Chinese money).” May hinala ang senadora na ang P8,000 ay maaaring payoffs sa higher-ups sa BI kasabwat ang sangkot na Chinese at local tour groups.
Batay raw sa official BI figures na iniharap sa komite, may 1.8 milyong Chinese na ang nakapasok sa bansa sapul noong 2016. Samakatwid, batay sa informant ni Hontiveros, may 2,000 Tsino ang nakapapasok sa Pilipinas kada araw. Sabi ng kaibigan ko: “Dumagsa ang Chinese sa ating bansa nang maging Pangulo si PRRD. Naging mabait siya sa China ni Xi Jinping at naging mailap at galit sa US.”
oOo
Pinag-aaralan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang pag-iisyu ng mga regulasyon para payagan ang medical use o gamit na gamot ng marijuana ng derivative cannabidiol (CBD) sa bansa nang walang lehislasyon o batas.
Sinabi ni DDB chairman Catalino Cuy, kapag naipasa ang panukalang regulasyon, hindi na kailangan pa ang hiwalay na medical marijuana na isinusulong ng ilang sektor at mambabatas. Sa ibang bansa, ang paggamit ng marijuana ay pinapayagan sa ilang uri ng karamdaman.
oOo
Sa Ash Wednesday o Miyerkoles de Ceniza o pagpapahid ng abo sa noo sa Pebrero 26, hindi na magpapahid ng abo ang pari sa noo ng mananampalataya dahil sa coronavirus disease o Covid-19. Sa halip magpahid ng abo sa noo, ipipisik na lang ang abo sa buhok ng parishioners.
Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, may mga misa pa rin sa Ash Wednesday, may mga pagbabago lang sa pamamaraan ng religious tradition. “Hindi natin kakanselahin ang mga misa, pero kailangan nating mag-ingat.” Si David ang CBCP vice president.
Ang pahayag ay ginawa ni Bishop David kasunod ng mga report na sinuspinde ni Hong Kong apostolic administrator Cardinal John Tong Hon ang pagdaraos ng misa sa HK bilang preventive measure laban sa virus. Iminungkahi rin ni David ang hindi muna paglalagay ng tubig sa fonts upang hindi na ilagay ng manananampalataya ang kanilang mga daliri bago mag-sign of the cross.
-Bert de Guzman