PINANGUNAHAN ni Pangulong Duterte nitong Sabado ang inagurasyon ng commercial operation ng Sangley Airport sa Cavite. Lilipat na ang General aviation (privately owned planes) at turboprop operation mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Sangley. Ngayon, maaari nang tumanggap ang nag-iisang major runway ng NAIA ng mas maraming papalabas at papasok na mga eroplano para sa mga giant commercial airlines.
Matagal nang problema ang limitadong kapasidad ng NAIA para sa prime international gateway ng bansa. Patuloy na lumalago ang sistema ng paglalakbay sa mundo kasabay ng paglago ng ekonomiya ng mundo at ng pandaigdigang turismo. Nagagawang tumanggap sa kasalukuyan ng NAIA nang hanggang 70-take-off at landing sa isang araw, 42 milyong pasahero kada taon, na nahahati sa pagitan ng domestic at international na sektor
Sa isang ulat na inilabas ng Japan International Cooperation Agency (JICA) inaasahang aabot sa 60 milyon pasahero sa NAIA pagsapit ng 2025 at 72 milyon pagsapit ng 2030. Pinakamalaking sagabal sa paliparan ang kakulangan ng espasyo para sa dagdag na runway. Mayroon lamang itong isang mahabang runway, na nagkukrus sa isang dulo para sa isang maikling runway para sa maliit na eroplano. Kailangang sakto sa oras at may maayos na koordinasyon ang pag-lapag at pag-alis. Isang aksidente lamang—paglapag ng eroplano sa kabilang panig ng malaking runway—ay maaaring humarang ng ilang oras.
Sa paghahambing, may tatlo, apat o limang mahahabang runway ang mga nangungunang paliparan sa mundo. May tatlo ang Beijing, na tumatanggap nang hanggang 95 milyong pasahero kada taon. May apat ang Tokyo, na may 85 milyong pasahero. Apat din ang sa Los Angeles, na may 84 milyong pasahero. Sa United States, ang Atlanta ay may limang runway, na tumatanggap ng higit 104 milyong pasahero habang ang Chicago ay may pito, na may 79 milyong pasahero. Sa London, ang sikat na Heathrow ay may dalawang malaking runway, na tumatanggap ng 78 milyong pasahero kada taon.
Ang naging desisyon ni Pangulong Duterte na ilipat ang general aviation at turboprop flights sa Sangley ay makababawas na bigat na pinapasan ng NAIA ngunit kailangan pa rin ng malalaking airlines ang NAIA. Marami rin namang international flight ang gumagamit na ngayon sa Clark Airport sa Pampanga.
Inaprubahan na ng Department of Transportation ang bagong international airport, ang P734-bilyon na Bulacan International Airport, na may anim na parallel runway at may inisyal na kapasidad para sa 100 milyong pasahero kada taon, na itatayo ng San Miguel Holdings Corp. Noong Enero pa nakatakda ang groundbreaking ng paliparan ngunit napabalita na pinag-aaralan pa muli ng Department of Justice ang kontrata. Umaasa tayong matatapos na ang review upang masimulan na ang pagtatayo ng paliparan.
Mayroong dalawang malaking runway ang Clark na dating ginagamit ng US Air Force para sa operasyon nito sa Asya, kabilang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang naging digmaan sa Korea at Vietnam. May bagong terminal building na rin ang Clark na kayang tumanggap ng hanggang 8 milyong pasahero kada taon.
Panandaliang nabalahaw ang industriya ng turismo sa bansa dahil sa nagpapatuloy na epidemya ng coronavirus, nawa’y matapos na ito upang makabalik na sa normal ang internasyunal na paglalakbay. Sa pagbubukas ng Sangley para tanggapin ang ilang operasyon ng NAIA, ang konstruksiyon ng bagong Bulacan International Airport, at ang pagpapalaki ng operasyon sa Clark, magiging mas handa tayo para sa inaasahang paglago ng air travel sa mundo.