Muli na naman nanalasa ang magkapatid na sina Jersey at Jeremy Marticio ipinagmamalaki nina Cabuyao City mayor Atty. Rommel A. Gecolea at Philippine Executive Chess Association president Dr. Alfredo “Fred” Paez sa katatapos na Lian Chess Tournament na ginanap sa Lian Municipal Hall, Lian, Batangas nitong Pebrero 16, 2020.
Si Jersey, 12 years old, grade 7 pupil ng Pulo National High School Cabuyao City, Laguna ay nakapagtala ng 4.5 puntos sa limang laro para kunin ang titulo sa Kiddies 14 years old and below category.
Nakaipon din ng 4.5 puntos si Juncin Estrella ng Silang, Cavite subalit nagkasya sa ika-2 puwesto matapos ipatupad ang tie break points.
Sa panig naman ni Jeremy, 14 years old at grade 8 student ng Pulo National High School, Cabuyao City, Laguna ay nakaipon ng 4.0 puntos para kunin ang ika-3 puwesto sa bisa ng mas mataas na tie break points at ungusan ang kapwa 4.0 pointers na sina Rian Paul Tenorio ng Nasugbu, Batangas (4th place) at Clark Jemuel Cabatian ng Estavillo Chess Academy mula General Trias City, Cavite (5th place).
Kapwa nakapagtumpok naman ng tig 3.5 puntos sina Jonas Tenorio ng Batangas City (6th place) at Quinn Kerbie Molino ng Lian, Batangas (7th place) sa 1-day grassroots level rapid chessfest na suportado mismo ng local government ng Lian, Batangas sa pangunguna ni mayor Isagani I. Bolompo na magkatuwang na inorganisa nina Lian Chess Club president Iniño Vergara Bolompo at Lian Chess Club vice-president Eric John Lamano na layuning makatuklas ng future chess master.
-Marlon Bernardino