ITINURN-OVER na ng Department of Agrarian Reform (DAR) nitong Pebrero 12 ang P28-million road project sa lungsod ng Bogo sa probinsiya ng Cebu upang matulungan ang mga residente na makakonekta sa limang barangay sa siyudad.

Sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) project na inimplementa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang 28.80-linear meter Malingin Bridge ay magkokonekta na ngayon sa lungsod at sa limang barangay, kabilang ang Malingin, Anonang Norte, Anonang Sur, Lapaz, at Binabag.

Binigyang-diin naman ni DAR Undersecretary for Foreign-Assisted and Special Projects Office Bernie Cruz ang kahalagahan ng good governance at sustainability upang magtagal ang proyekto sa mahabang panahon.

“Every time we finish a project, we always remind the beneficiaries to take care of it. We know that it will contribue significantly to the development of the communities,” ani Cruz.

Ipinunto naman ni Regional Director Resty Osias ang maitutulong ng proyekto sa apat na agrarian reform beneficiaries’ organizations sa area na may nasa 360 agrarian reform beneficiaries (ARB).

Kabilang sa mga nasabing samahan ang Nagkahiusang Mag-uuma/Mamumuo para sa Repormang Agraryo, Hacienda Filomena ARB Association, Anonang Norte ARB Association, at Anonang Norte Farmers Association.

Dinaluhan naman ni Ramonito Jimenez ng DPWH ang programa, kung saan niya nakasama sina Bogo City Mayor Carlos Jose Martinez, at Malingin barangay captain Arnel Catadman.

-ELLALYN DE VERA-RUIZ