BINAWI na ng gobyerno ng Pilipinas ang travel ban sa Taiwan. Ang pagbabawal ay bunsod umano ng layuning maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipino laban sa 2019 novel coronavirus disease na ngayon ay may bagong pangalan bilang COVID-19.

Libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagulat sa biglang pagbabawal sa kanilang paglalakbay. Tinatayang may 160,000 OFWs sa Taiwan ang apektado ng pagbabawal. May mga Pinoy na inabutan ng pagbabawal habang nagbabakasyon sa Pilipinas at hindi makabalik sa Taiwan para magtrabahong muli.

Gayundin naman ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Taiwan na nais umuwi sa bansa para magbakasyon, makapiling ang pamilya at makadalo sa mga okasyon tulad ng graduation ng anak, birthday o kasal.

Ngayon ay nakahinga na sila nang maluwag. Binawi na ang travel ban. Ang mga na-stranded sa mga paliparan ay puwede nang lumipad. Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na okay sa kanyang payagan ang mga OFW na apektado ng travel ban ng PH government na makabalik sa Hong Kong upang makapagtrabahong muli.

Ayon kay Locsin, wala namang bagong report tungkol sa Covid-19 sa Hong Kong kaya walang dapat ikatakot. “Dapat nang payagan ang ating domestic workers na bumalik sa kanilang employers sa Hong Kong. Sila ay hinihintay na roon,” ganito ang Twitter post niya noong Pebrero 16.

Para sa Ingleserong si Locsin, “HK has better facilities to contain virus. I promised that in two weeks we will consider. “ Bukod sa Hong Kong, may travel ban din sa Macau kaya hindi makabalik sa trabaho ang mga OFW na na-stranded sa mga paliparan. Hindi rin makauwi sa ‘Pinas ang mga Pinoy na nasa Macau para magbakasyon at makapiling ang pamilya.

oOo

Itutuloy ng mga senador ang plano na kuwestiyunin sa Supreme Court ang desisyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na tapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng PH at US nang walang pagsang-ayon ng Senado.

Sinabi ni Minority Leader Franklin Drilon na sasama siya kay Senate Pres. Vicente Sotto III at sa iba pang administration senators sa paghahain ng petisyon sa SC na kukuwestiyon sa plano ni PRRD na lagutin ang military pact. Naniniwala silang kailangan ang concurrecene o pagsang-ayon ng Senado sa VFA abrogation

Nagbanta ang mga mambabatas at opisyal ng Defense Department na maaaring malagay sa panganib ang seguridad ng bansa, laluna ngayong patuloy ang China sa pagkamkam sa mga isla at reefs sa West Philippine Sea.

Ayon kay Drilon, ang kanilang petisyon ay isang bipartisan move para ipamalas ang role o papel ng Senado sa foreign policy. “While the President is the chief architect of our foreign policy, the Constitution is clear that such a very critical role is shared with Congress, particularly the Senate,” paliwanag ni Drilon.

Suportado ni Vice Pres. Leni Robredo ang plano ng mga senador na kuwestiyunin ang desisyong buwagin ang VFA ng PH at US ng Pangulo. Tama lang umano ang paghahain ng petisyon sa SC upang malaman kung may gampanin ang Senado sa pagputol sa ano mang tratado (treaty). Si Robredo ay isa ring lawyer.

-Bert de Guzman