NANG ihayag ni Pangulong Duterte kay United States President Donald Trump ang kagustuhan nitong wakasan ang Visiting Forces Agreement (VFA), mabilis na sumang-ayon ang pangulo ng US, sa pagsasabing makakatipid ito ng milyon-milyong dolyar na ginagamit ngayon para sa mga joint training exercises.
Una nang inilarawan ni US Defense Secretary Mark Esper ang terminasyon ng VFA bilang “a step in the wrong direction” ngunit mismong ang pangulo ang sumang-ayon dito. Malinaw na wala na siyang nakikitang pangangailangan para sa nasabing kasunduan na nabuo sa kasagsagan ng “cold war” matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon, sinimulan ni Trump na manawagan sa kanyang mga kaalyado sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) para hingin ang mas malaking ambag ng mga ito sa mga gastos sa pagpapanatili ng alyansa. Nakikita rin niya na hindi na malaki ang banta ng Russia, matapos mabuwag ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR) noong 1991, kumpara noon.
Sa Asya, nakikita rin ng US ang mas mababang pangangailangan para sa alyansang militar ng nakalipas, lalo’t ang Japan, na dating kaaway noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay isa nang pangunahing kaalyado nito. Matapos ang pagputok ng Pinatubo at ang naging pagboto ng Senado ng Pilipinas noong 1992 laban sa pagpapalawig ng lumang PH-US bases agreement, mabilis na umayon sa sitwasyon ang US at iniwan ang kanilang mga base sa bansa.
Bitbit ni President Trump ang mga pagbabagong ito nang mabilis itong sumang-ayon, sa desisyon ni Pangulong Duterte na wakasan ang VFA.
Maaaring kuwestiyunin ang naging desisyon ng Pangulo na wakasan ang VFA, nang marami na nasanay na sa mahigpit na ugnayan ng Pilipinas at US, ngunit maging si Jose Maria Sison, ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), ay pabor dito. Sa isang online interview, sinabi ni Sison, na kasalukuyang naninirahan sa Utrecht, Netherlands, na maaaring maging pinakamagaling na pangulo ng Pilipinas si Duterte, sa naging deklarasyon nito ng pambansang soberanya kasama ang mga pagpapatupad ng mga reporma na hinihingi ng CPP sa pakikipag-usap nito sa administrasyon.
Marami ang bumabatikos sa nangyayaring paghina ng alyansa ng Pilipinas at US sa naging desisyon ng pagtapos sa VFA. Ngunit ngayon na sumang-ayon na si President Trump, inaasahang hindi na magkokomento pa ang mga opisyal tulad ni US Defense Secretary Esper, hinggil sa umano’y hakbang sa maling direksyon.
Hindi maitatanggi na may mga opisyal ng bansa na naninindigan sa ideya na kailangang manatili ang mahigpit na ugnayan ng dalawang bansa, ngunit lahat ng nasa administrasyon ay nagdeklarang susunod lamang sa desisyon ni Pangulong Duterte. Kaya naman, asahan nang matutunghayan natin ang pagtatapos ng Visiting Forces Agreement makalipas ang 180 araw, na itinakda ng kasunduan.