HIGIT isang linggo na ang nakalilipas, nasilayan ko ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.
Idinaos ng Class 1970 ng UP College of Business Administration, kung saan kami kabilang ng aking asawa, ng 50th year homecoming. May ilang aktibidad ang isinagawa upang ipagdiwang ang okasyong ito ng aming batch at isa rito ang pagtitipon na aming pinangunahan sa bahay namin sa
Las Piñas. Tama, 50 taon ito mula noong kolehiyo.
Mahabang panahon ang 50 taon. Kahalating siglo kung tutuusin. At nakalulugod isipin na limang dekada na ang nagdaan mula nang lumabas kami ng UP campus upang tahakin ang mundo na kinabibilangan namin ngayon. Nang lisanin namin ang UP, radikal na naiiba ang mundo mula sa kasalukuyan pinamumuhayan natin. Marami ang nagbago. Nagbago kami.
Tinahak ng class of 1970 ang tunay na mundo na patuloy sa pagbabago. Maraming bagay—sa ating komunidad, sa ating bansa—na nagpabago sa ating mundo at kung paano natin tingnan ang mundo. Ipinagmamalaki kong bahagi ako ng batch na ang mga miyembro ay gumawa ng malaking pagbabago sa paghubog ng kinabukasan. Marami sa amin ang naging kapitan ng mga industriya, lider sa mga komunidad, sa pamahalaan, tatay at nanay, asawa, nakamit ang katauhan na kanilang pinangarap.
Pinaka isensiya ng homecoming o reunion, ang pagbabalik sa iyong pinanggalingan. Patungkol ito sa atin, na matapos ang mahabang paglalakbay sa mga sulok ng mundo kung saan tayong lahat ay nagtagpo sa isang punto ng ating buhay. Sigurado akong nakadalo rin kayo ng isa o dalawang reunion ng iyong high school o kolehiyo. Masayang balikan ang mga kuwento noong mas simple ang buhay.
Sa panahon ng homecoming at reunion natin inaalala ang nakalipas na ating pinagsamahan. Ang pinakamagagaling na guro na nagpasaya sa ating pag-aaral. Ang istriktong guro na tumatakot sa atin upang maging mabuting tao tayo. Sa homecomings at reunion natin binubuhay ang mga espesyal na sandali ng ating buhay. Maaaring ang kasintahan natin noong nasa unang taon pa lamang tayo ng pag-aaral, na kalaunan ay naging bahagi na ng iyong buhay. O ang sikretong crush na nanatiling lihim hanggang ngayon. Mga kaibigang naging kaaway at mga kaaway na naging kaibigan panghabambuhay.
Ngunit dito, ibinabahagi rin natin ang sarili nating paglalakbay. May maganda at masama. Ngunit laging natututo sa karanasan. Ibinabahagi rin natin ang napagtagumpayan natin. Pagbabahagi sa tagumpay at kabiguan dahil batid natin ang naitulong nito upang maging mas mabuting tao tayo. Sa katunayan, ito ang pinaka-enjoy ko, ang mabatid ang nangyari sa mga kaibigan, kung paano sila umunlad at lumago, kung paano sila naghirap at tumayo mula sa mga pagsubok.
Sa isang banda, ang homecoming ay ang pagtatagpo ng kasalukuyan at nakalipas. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-alala sa mga naging away o tampuhan noong sa mas batang yugto pa tayo ng buhay ay itinuturing nating maliit na bagay ngayon. Ito ang dahilan kung bakit natin inaalala ang ating mga pagkakamali ng walang pagsisisi ngunit may kasamang pagmamalaki dahil nagawa nating malampasan ang mga pagsubok na iyon.
Sa pagpapakahulugan, ang homecoming ay patungkol din sa hinaharap. Isa itong pagbibigay-pugay sa ating alma mater na humubog sa atin kung ano man tayo sa kasalukuyan. Sa aming kaso, malaki ang aming pasasalamat sa UP para sa paghubog n gaming kinabukasan. At ipinagmamalaki kong ang aking mga batchmates na walang sawang nagbibigay sa UP at sa Kolehiyo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagsisikap upang masiguro na magpapatuloy ang UP sa pagsasanay ng pinakamagagaling at pinakamatatalino. Maipagmamalaki ko ang naibigay sa aking oportunidad na malaman ang maraming tao na ang mga kuwento, hangarin, at pananaw, ay nagpalakas sa aking paniniwala sa ating abilidad na mabago ang mundo sa kabila ng mga pagdududa sa paligid natin.
-Manny Villar