AYON kay Ramon Casiple, kinikilala sa pagbibigay ng mga opinyon sa mga napakahalaga at pambansang isyu, itrato na hiwalay ang isyu ng kalayaan sa pamamahayag at prangkisa ng ABS-CBN. Kasalukuyang isyu kasi kung bibigyan o hindi ng prangkisa ang giant media network dahil hanggang ngayon ay hindi pa ikinakalendaryo ng kamara ang mga sampung panukalang batas na inuulit ang kanyang nasabing prangkisa. May pangamba tuloy na inuupuan ito bilang pagsunod sa banta ng Pangulo sa ABS-CBN na hindi na niya papayagan pang makapag-operate ito at iminungkahi pa niya sa mga nagmamayari nito na ibenta na lang ito. Magbabakasyon ang Kongreso sa kalagitnaan ng Marso at magwawakas naman ang prangkisa ng ABS-CBN sa huling araw nito.
Ang katwiran ni Casiple ay kapag nasara ang ABS-CBN hindi pa rin nawala ang kalayaan ng mamamayan na mamahayag at makaalam. Limitado ang pananaw na ito. Sa dissenting opinion ni Justice Isagani Cruz sa kaso ng National Press Club vs. Comelec, sinabi niya na ang kalayaan sa pamamahayag ay armas ng taong bayan laban sa abusadong gobyerno. Kahit sino, matalino man o tanga, o anumang estado sa buhay, ay puwedeng gumamit nito. Ito ang pinakaepektibong paraan para mapasunod nila ang gobyerno, na sa demokratikong bansa, ay intrumento nila para sa kanilang interes. Eh kaya nila epektibong nagagamit ang kalayaan sa pamamahayag ay dahil may malayang media tulad ng ABS-CBN. Kaya nga, nang angkinin ni dating Pangulong Marcos ang kapangyarihan ng taumbayan at ideklara niya ang martial law, ang una niyang ginawa ay ipasara ang lahat ng estasyon ng radio at telebisyon at mga limbagan ng pahayagan.
Kaya ako kontra sa posisyon ni Casiple ay dahil mahigpit ang pagkakawing ng isyu ng prangkisa ng ABS-CBN sa kalayaan ng mamamayang mamahayag. Totoo, kapag nasara ang ABS-CBN ay mayroon pa rin kalayaan sa pamamahayag. Ang problema ay ang epekto nito at ang klase na mga opinyong papaimbabaw sa himpapawid. May media rin sa panahon ng diktatura, pero ang opinyon at balita na umaabot sa mamamayan ay para lang sa kanyang interes kahit laban ito sa bayan. Kapag isinara mo ang ABS-CBN, lilimitahan mo ang daluyan ng mga opinyon at impormasyon na hindi naaayon sa isang “market of ideas” kung saan ang lahat ay makaaambag ng kanilang sariling loobin. Masasala rin ang mga impormasyon at balita na lalabas sa lahat ng mga media na kauri ng ABS-CBN sa takot na sila naman ay pagkaitan ng bagong prangkisa.
-Ric Valmonte